TITO 1
1
Pagbati
1Si Pablo, na alipin ng Diyos, at apostol ni Jesu-Cristo, sa ikasusulong ng pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at ng kanilang pagkakilala sa katotohanang ayon sa kabanalan,
2sa pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa nagsimula ang mga panahon, ito ay ipinangako ng Diyos na hindi nagsisinungaling.
3Ngunit sa takdang panahon ay ipinahayag sa kanyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na sa akin ay ipinagkatiwala ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas;
4kay#2 Cor. 8:23; Ga. 2:3; 2 Tim. 4:10 Tito na aking tunay na anak sa iisang pananampalataya: Biyaya at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Tagapagligtas.
Ang Gawain ni Tito sa Creta
5Dahil dito'y iniwan kita sa Creta, upang isaayos mo ang mga bagay na may kakulangan at upang magtalaga ng matatanda sa iglesya sa bawat bayan, na gaya ng ipinagbilin ko sa iyo:
6Siya#1 Tim. 3:2-7 ay dapat na walang kapintasan, asawa ng isang babae, na ang kanyang mga anak ay mananampalataya, na hindi napaparatangan ng panggugulo o ng pagiging suwail.
7Sapagkat ang obispo bilang katiwala ng Diyos ay dapat na walang kapintasan, hindi mayabang, hindi magagalitin, hindi maglalasing, hindi marahas, hindi sakim sa pakinabang;
8kundi mapagpatuloy ng panauhin, maibigin sa kabutihan, matino ang pag-iisip, matuwid, banal, at mapagpigil sa sarili.
9Dapat na kanyang pinanghahawakang mabuti ang tapat na salita na ayon sa turo, upang makapangaral siya ng wastong aral, at pabulaanan ang mga sumasalungat dito.
10Sapagkat maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga mandaraya, lalung-lalo na ang mga nasa panig ng pagtutuli.
11Dapat patigilin ang kanilang mga bibig, sapagkat ginugulo nila ang buong sambahayan sa pagtuturo nila ng mga bagay na hindi nararapat, dahil sa masamang pakinabang.
12Sinabi ng isa sa kanila, ng isang propeta mismo nila,
‘Ang mga taga-Creta ay laging mga sinungaling, masasamang hayop, mga batugang matatakaw.’
13Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y mahigpit mo silang sawayin upang maging malakas sila sa pananampalataya,
14na huwag makinig sa mga kathang-isip ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nagtatakuwil sa katotohanan.
15Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis; ngunit sa marurumi at hindi nananampalataya ay walang anumang malinis; kundi ang kanilang pag-iisip at budhi ay pawang pinarumi.
16Inaangkin nilang kilala nila ang Diyos; ngunit sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, ay ikinakaila nila, palibhasa sila'y kasuklamsuklam, at mga masuwayin, at hindi naaangkop sa anumang gawang mabuti.
Kasalukuyang Napili:
TITO 1: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001