GENESIS 17:18-27
GENESIS 17:18-27 ABTAG
At sinabi ni Abraham sa Dios, Kahimanawari, si Ismael ay mabuhay sa harapan mo! At sinabi ng Dios, Hindi, kundi ang iyong asawang si Sara ay magkakaanak sa iyo; at tatawagin mo ang kaniyang ngalang Isaac; at aking pagtitibayin ang aking tipan sa kaniya ng pinakatipang walang hanggan, sa kaniyang lahi pagkamatay niya. At tungkol kay Ismael, ay dininig din kita. Narito't aking pinagpala siya, at siya'y aking papagaanakin ng marami, at siya'y aking pararamihin ng di kawasa; labing dalawang prinsipe ang kaniyang magiging anak, at siya'y gagawin kong malaking bansa. Nguni't ang aking tipan ay pagtitibayin ko kay Isaac na iaanak sa iyo ni Sara, sa tadhanang araw, sa taong darating. At nang matapos na makipagusap sa kaniya, ay napaitaas ang Dios mula sa piling ni Abraham. At ipinagsama ni Abraham si Ismael, na kaniyang anak, at ang lahat na ipinanganak sa kaniyang bahay, at ang lahat ng binili niya ng kaniyang salapi, ang lahat ng lalake sa mga lalaking kasangbahay ni Abraham, at tinuli ang laman ng kanilang balat ng masama ng araw ding yaon, ayon sa sinabi ng Dios sa kaniya. At si Abraham ay may siyam na pu't siyam na taon, nang tuliin ang laman ng kaniyang balat ng masama. At si Ismael ay may labing tatlong taon, nang tuliin ang laman ng kaniyang balat ng masama. Nang araw ding yaon tinuli si Abraham, at si Ismael na kaniyang anak. At lahat ng lalaking kasangbahay niya, maging ang mga ipinanganak sa bahay, at ang mga binili ng salapi sa taga ibang lupain, ay pinagtuling kasama niya.

