GENESIS 42:1-14
GENESIS 42:1-14 ABTAG
Nabalitaan nga ni Jacob na may trigo sa Egipto, at sinabi ni Jacob sa kaniyang mga anak, Bakit kayo nangagtitinginan? At kaniyang sinabi, Narito, aking narinig na may trigo sa Egipto: bumaba kayo roon, at bumili kayo roon ng sa ganang atin, upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay. At ang sangpung kapatid ni Jose ay bumaba, na bumili ng trigo sa Egipto. Datapuwa't si Benjamin na kapatid ni Jose, ay hindi sinugo ni Jacob na kasama ng kaniyang mga kapatid; sapagka't aniya'y, Baka sakaling may mangyari sa kaniyang anomang kapahamakan. At ang mga anak ni Israel ay nagsiparoong bumili, na kasalamuha ng nagsisiparoon: sapagka't nagkakagutom sa lupain ng Canaan. At si Jose ang tagapamahala sa lupain; siya ang nagbibili ng trigo sa lahat ng mga tao sa lupain: at nagsidating ang mga kapatid ni Jose at nangagpatirapa sa kaniya, na ang kanilang mga mukha ay pasubasob. At nakita ni Jose ang kaniyang mga kapatid, at kaniyang nangakilala, datapuwa't siya'y nagkunwaring iba sa kanila, at sila'y kinausap niya ng magilas; at sinabi sa kanila, Saan kayo nagsipanggaling? At sinabi nila, Sa lupain ng Canaan, upang bumili ng pagkain. At nakilala ni Jose ang kaniyang mga kapatid, datapuwa't hindi nila siya nakilala. At naalaala ni Jose ang mga panaginip na kaniyang napanaginip, tungkol sa kanila, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y mga tiktik; upang tingnan ninyo ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito. At kanilang sinabi sa kaniya, Hindi panginoon ko, kundi ang iyong mga lingkod ay nagsiparito upang bumili ng pagkain. Kaming lahat ay anak ng isa lamang lalake; kami ay mga taong tapat, ang iyong mga lingkod ay hindi mga tiktik. At kaniyang sinabi sa kanila, Hindi, kungdi upang tingnan ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito. At kanilang sinabi, Kaming iyong mga lingkod ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng isa lamang lalake sa lupain ng Canaan; at, narito, ang bunso ay nasa aming ama ngayon, at ang isa'y wala na. At sinabi sa kanila ni Jose, Iyan ang sinasalita ko sa inyo, na aking sinasabi, Kayo'y mga tiktik;

