GENESIS 49:16-33
GENESIS 49:16-33 ABTAG
Si Dan ay hahatol sa kaniyang bayan, Gaya ng isa sa angkan ni Israel. Si Dan ay magiging ahas sa daan, At ulupong sa landas, Na nangangagat ng mga sakong ng kabayo, Na ano pa't nahuhulog sa likuran ang sakay niyaon. Aking hinintay ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon. Si Gad, ay hahabulin ng isang pulutong: Nguni't siya ang hahabol sa kanila. Hinggil kay Aser, ay lulusog ang tinapay niya, At gagawa ng masasarap na pagkain. Si Nephtali ay isang usang babaing kawala: Siya'y nagbabadya ng maririkit na pananalita. Si Jose ay sangang mabunga, Sangang mabunga na nasa tabi ng bukal; Ang kaniyang mga sanga'y gumagapang sa pader. Pinamanglaw siya ng mga mamamana, At pinana siya, at inusig siya: Nguni't ang kaniyang busog ay nanahan sa kalakasan, At pinalakas ang mga bisig ng kaniyang mga kamay, Sa pamamagitan ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob, (Na siyang pinagmulan ng pastor, ang bato ng Israel), Sa pamamagitan nga ng Dios ng iyong ama, na siyang tutulong sa iyo, At sa pamamagitan ng Makapangyarihan sa lahat, na siyang magpapala sa iyo, Ng pagpapala ng langit sa itaas, Pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba, Pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata. Ang mga basbas ng iyong ama na humigit sa basbas ng aking mga kanunuan Hanggang sa wakas ng mga burol na walang hanggan: Mangapapasa ulo ni Jose, At sa tuktok ng ulo niya na bukod tangi sa kaniyang mga kapatid. Si Benjamin ay isang lobo na mang-aagaw: Sa kinaumagaha'y kaniyang kakanin ang huli, At sa kinahapunan ay kaniyang babahagihin ang samsam. Ang lahat ng ito ang labing dalawang angkan ng Israel: at ito ang sinalita ng ama nila sa kanila, at sila'y binasbasan; bawa't isa'y binasbasan ng ayon sa basbas sa kanikaniya, At kaniyang ipinagbilin sa kanila, at sinabi sa kanila: Ako'y malalakip sa aking bayan: ilibing ninyo ako sa kasamahan ng aking mga magulang sa yungib na nasa parang ni Ephron na Hetheo, Sa yungib na nasa parang ng Machpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, na binili ni Abraham, na kalakip ng parang kay Ephron na Hetheo, na pinakaaring libingan: Na doon nila inilibing si Abraham at si Sara na kaniyang asawa; na doon nila inilibing si Isaac at si Rebeca na kaniyang asawa; at doon ko inilibing si Lea: Sa parang at sa yungib na nandoon na binili sa mga anak ni Heth. At nang matapos si Jacob na makapagbilin sa kaniyang mga anak, ay kaniyang itinaas at itinikom ang kaniyang mga paa sa higaan, at nalagot ang hininga, at nalakip sa kaniyang bayan.

