Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.
Sapagka't sa pamamagitan nito ang mga matanda ay sinaksihan.
Sa pananampalataya ay natatalastas natin na ang sanglibutan ay natatag sa pamamagitan ng salita ng Dios, ano pa't ang nakikita ay hindi ginawa sa mga bagay na nakikita.
Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Dios ng lalong mabuting hain kay sa kay Cain, sa pamamagitan nito'y sinaksihan sa kaniyang siya'y matuwid, na nagpapatotoo ang Dios tungkol sa kaniyang mga kaloob: at sa pamamagitan nito patay na siya ay nagsasalita pa.
Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang huwag niyang makita ang kamatayan; at hindi siya nasumpungan, sapagka't siya'y inilipat ng Dios: sapagka't bago siya inilipat ay pinatotohanan sa kaniyang siya'y naging kalugodlugod sa Dios:
At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka't ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap.
Sa pananampalataya si Noe, nang paunawaan ng Dios tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot, ay naghanda ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sangbahayan; na sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanglibutan, at naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.
Sa pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay tumalima upang pumaroon sa isang dakong kaniyang tatanggaping mana; at siya'y yumaon na di nalalaman kung saan siya paroroon.
Sa pananampalataya siya'y naging manglalakbay sa lupang pangako, na gaya sa hindi niya sariling lupa, at tumahan sa mga tolda na kasama si Isaac at si Jacob, na mga tagapagmana ng isang pangako na kasama niya:
Sapagka't inaasahan niya ang bayang may mga kinasasaligan, na ang nagtayo at gumawa ay ang Dios.
Sa pananampalataya si Sara rin ay tumanggap ng lakas upang ipaglihi ang binhi, nang lipas na ang kaniyang gulang, palibhasa'y inari niyang tapat ang nangako:
Kaya naman sumibol sa isa, sa kaniya na tila patay na, ang kasing dami ng mga bituin sa langit sa karamihan, at di mabilang na gaya ng mga buhanging nasa tabi ng dagat.
Ayon sa pananampalataya ay nangamatay ang lahat ng mga ito, na hindi kinamtan ang mga pangako, nguni't kanilang nangakita na natanaw mula sa malayo, at kanilang ipinahayag na sila'y pawang taga ibang bayan at manglalakbay sa ibabaw ng lupa.
Sapagka't ang mga nagsisipagsabi ng mga gayong bagay ay nagpapakilalang hinahanap nila ang lupaing kanilang sarili.
At katotohanang kung kanilang naalaala yaong lupaing kanilang pinanggalingan, ay nagkaroon sana sila ng mabuting pagkakataon upang bumalik.
Nguni't ngayon ay nagnanasa sila ng lalong magaling na lupain, sa makatuwid baga'y ang sa langit: kaya hindi sila ikinahihiya ng Dios na tawaging Dios nila; sapagka't kaniyang ipinaghanda sila ng isang bayan.
Sa pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay inihandog si Isaac: oo, siyang tumanggap na may galak ng mga pangako ay siyang naghandog sa kaniyang bugtong na anak;
Sa makatuwid baga'y yaong pinagsabihan, Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi:
Na inisip na maging sa gitna ng mga patay ay maaaring buhayin siyang maguli ng Dios; mula diyan din naman ay muli siyang tinanggap sa isang halimbawa.
Sa pananampalataya'y binasbasan ni Isaac si Jacob at si Esau, tungkol sa mga bagay na darating.
Sa pananampalataya, si Jacob ng mamatay na ay binasbasan niya ang bawa't isa sa mga anak ni Jose; at sumambang nakatangan sa puno ng kaniyang tungkod.
Sa pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose, ay binanggit niya ang pagalis sa Egipto ng mga anak ni Israel; at nagutos tungkol sa kaniyang mga buto.
Sa pananampalataya, nang ipanganak si Moises, ay itinagong tatlong buwan ng kaniyang mga magulang, sapagka't kanilang nakitang maganda ang bata; at hindi sila natakot sa utos ng hari.
Sa pananampalataya, nang lumaki na si Moises, ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon;
Na pinili pa ang siya'y tampalasanin na kasama ng bayan ng Dios, kay sa magtamo ng nagsisikupas na kaligayahan sa pagkakasala;
Na inaring malaking kayamanan ang kadustaan ni Cristo, kay sa mga kayamanan ng Egipto: sapagka't ang kaniyang tinititigan ay ang gantingpalang kabayaran.
Sa pananampalataya'y iniwan niya ang Egipto, na hindi natakot sa poot ng hari: sapagka't nagtitiyagang tulad sa nakakita niyaong di nakikita.
Sa pananampalataya'y itinatag niya ang paskua, at ang pagwiwisik ng dugo, upang ang manglilipol sa mga panganay ay huwag silang lipulin.
Sa pananampalataya'y nagsipagdaan sila sa gitna ng Dagat na Mapula na gaya ng sa lupang tuyo: na nang subuking gawin ito ng mga taga Egipto ay pawang nangalunod.
Sa pananampalataya'y nangalagpak ang mga kuta ng Jerico, pagkatapos na makubkob na pitong araw.
Sa pananampalataya'y hindi napahamak na kasama ng mga manunuway, ang patutot na si Rahab, na tumanggap na payapa sa mga tiktik.
At ano pa ang aking sasabihin? sapagka't kukulangin ako ng panahon kung sasaysayin ko ang tungkol kay Gideon, kay Barac, kay Samson, kay Jefte; tungkol kay David, at kay Samuel at sa mga propeta:
Na ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, nangagtamo ng mga pangako, nangagtikom ng mga bibig ng mga leon,
Nagsipatay ng bisa ng apoy, nangakatanan sa talim ng tabak, nagsilakas sa kahinaan, naging mga makapangyarihan sa pakikipagbaka, nangagpaurong ng mga hukbong taga ibang lupa.
Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli: at ang iba'y nangamatay sa hampas, na hindi tinanggap ang kanilang katubusan; upang kamtin nila ang lalong mabuting pagkabuhay na maguli:
At ang iba'y nangagkaroon ng pagsubok sa pagkalibak at pagkahampas, oo, bukod dito'y sa mga tanikala at bilangguan naman:
Sila'y pinagbabato, pinaglagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabak: sila'y nagsilakad na paroo't parito na may balat ng mga tupa't kambing: na mga salat, nangapipighati, tinatampalasan
(Na sa mga yaon ay hindi karapatdapat ang sanglibutan), na nangaliligaw sa mga ilang at sa mga kabundukan at sa mga yungib, at sa mga lungga ng lupa.
At ang lahat ng mga ito, nang sila'y mapatotohanan na dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi kinamtan ang pangako,
Na ipinaghanda ng Dios ng lalong mabuting bagay tungkol sa atin, upang sila'y huwag maging sakdal ng bukod sa atin.