Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 8:1-17

MATEO 8:1-17 ABTAG

At nang siya'y bumaba mula sa bundok, ay sinundan siya ng lubhang maraming tao. At narito, lumapit sa kaniya ang isang ketongin, at siya'y sinamba, na nagsasabi, Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako. At iniunat niya ang kaniyang kamay, at siya'y hinipo, na nagsasabi, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka'y nalinis ang kaniyang ketong. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ingatan mong huwag sabihin kanino man; kundi humayo ka, pakita ka sa saserdote, at ihandog mo ang alay na ipinagutos ni Moises, na bilang patotoo sa kanila. At pagpasok niya sa Capernaum, ay lumapit sa kaniya ang isang senturion, na sa kaniya'y namanhik, At nagsasabi, Panginoon, ang aking alila ay nararatay sa bahay, lumpo, at lubhang nahihirapan. At sinabi niya sa kaniya, Paroroon ako, at siya'y aking pagagalingin. At sumagot ang senturion at sinabi, Panginoon, hindi ako karapat-dapat na ikaw ay pumasok sa ilalim ng aking bubungan; datapuwa't sabihin mo lamang ang salita, at gagaling ang aking alila. Sapagka't ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, na may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya'y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa. At nang marinig ito ni Jesus, ay nagtaka siya, at sinabi sa nagsisisunod, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kahit sa Israel man, ay hindi ako nakasumpong ng ganito kalaking pananampalataya. At sinabi ko sa inyo, na marami ang magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at magsisiupong kasama ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, sa kaharian ng langit: Datapuwa't ang mga anak ng kaharian ay pawang itatapon sa kadiliman sa labas: diyan na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. At sinabi ni Jesus sa senturion, Humayo ka ng iyong lakad; at ayon sa iyong pagsampalataya, ay gayon ang sa iyo'y mangyari. At gumaling ang kaniyang alila sa oras ding yaon. At nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, ay nakita niya ang biyanang babae nito na nararatay dahil sa lagnat. At hinipo ang kaniyang kamay, at inibsan siya ng lagnat; at siya'y nagbangon, at naglingkod sa kaniya. At nang kinahapunan, ay dinala nila sa kaniya ang maraming inaalihan ng demonio: at pinalayas niya sa isang salita ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng mga may sakit: Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, Siya rin ang kumuha ng ating mga sakit, at nagdala ng ating mga karamdaman.