Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 14:22-72

MARCOS 14:22-72 ABTAG

At samantalang sila'y nagsisikain, ay dumampot siya ng tinapay, at nang kaniyang mapagpala, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, at sinabi, Inyong kunin: ito ang aking katawan. At siya'y dumampot ng isang saro, at nang siya'y makapagpasalamat, ay ibinigay niya sa kanila: at doo'y nagsiinom silang lahat. At sinabi niya sa kanila, Ito'y ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hindi na ako iinom ng bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago sa kaharian ng Dios. At pagkaawit nila ng isang imno, ay nagsiparoon sila sa bundok ng mga Olivo. At sinabi sa kanila ni Jesus, Kayong lahat ay mangatitisod: sapagka't nasusulat, Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa. Gayon ma'y pagkapagbangon ko, ay mauuna ako sa inyo sa Galilea. Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Bagama't mangatitisod ang lahat, nguni't ako'y hindi. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ng makalawa, ay ikakaila mo akong makaitlo. Datapuwa't lalo nang nagmatigas siya na sinabi, Kahima't kailangang mamatay akong kasama mo, ay hindi kita ikakaila. At sinabi rin naman ng lahat ang gayon din. At nagsirating sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani: at sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Magsiupo kayo rito, samantalang ako'y nananalangin. At kaniyang isinama si Pedro at si Santiago at si Juan, at nagpasimulang nagtakang totoo, at namanglaw na mainam. At sinabi niya sa kanila, Namamanglaw na lubha ang aking kaluluwa, hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at mangagpuyat. At lumakad siya sa dako pa roon, at nagpatirapa sa lupa, at idinalangin na, kung mangyayari, ay makalampas sa kaniya ang oras. At kaniyang sinabi, Abba, Ama, may pangyayari sa iyo ang lahat ng mga bagay; ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo. At siya'y lumapit, at naratnang sila'y nangatutulog, at sinabi kay Pedro, Simon, natutulog ka baga? hindi ka makapagpuyat ng isang oras? Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso: ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman. At muli siyang umalis, at nanalangin, na sinabi ang gayon ding mga salita. At muli siyang nagbalik, at naratnang sila'y nangatutulog, sapagka't nangabibigatang totoo ang kanilang mga mata; at wala silang maalamang sa kaniya'y isagot. At lumapit siyang bilang ikatlo, at sinabi sa kanila, Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: sukat na; dumating na ang oras; narito, ang Anak ng tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin. At pagdaka, samantalang nagsasalita pa siya, ay dumating si Judas, na isa sa labingdalawa, at kasama niya ang isang karamihang may mga tabak at mga panghampas, na mula sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba at sa matatanda. Ang nagkanulo nga sa kaniya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, Ang aking hagkan, ay yaon nga; hulihin ninyo siya, at dalhin ninyo siyang maingat. At nang dumating siya, pagdaka'y lumapit siya sa kaniya, at nagsabi, Rabi; at siya'y hinagkan. At siya'y sinunggaban nila, at siya'y kanilang dinakip. Datapuwa't isa sa nangaroon ay nagbunot ng kaniyang tabak, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kaniyang tainga. At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Kayo baga'y nagsilabas, na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas upang dakpin ako? Araw-araw ay kasama ninyo ako sa templo, na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuli: nguni't nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan. At iniwan siya ng lahat, at nagsitakas. At sinundan siya ng isang binata, na nababalot ng isang kumot ang katawan niyang hubo't hubad: at hinawakan nila siya; Datapuwa't kaniyang binitiwan ang kumot, at tumakas na hubo't hubad. At dinala nila si Jesus sa dakilang saserdote: at nangagpipisan sa kaniya ang lahat ng mga pangulong saserdote at ang matatanda at ang mga eskriba. At si Pedro ay sumunod sa kaniya sa malayo, hanggang sa loob ng looban ng dakilang saserdote; at nakiumpok siya sa mga punong kawal, at nagpapainit sa ningas ng apoy. Ang mga pangulong saserdote nga at ang buong Sanedrin ay nagsisihanap ng patotoo laban kay Jesus upang siya'y ipapatay; at hindi nangasumpungan. Sapagka't marami ang nagsisaksi ng kasinungalingan laban sa kaniya, at ang kanilang mga patotoo ay hindi nangagkatugma. At nagsipagtindig ang ilan, at nagsisaksi ng kasinungalingan laban sa kaniya, na sinasabi, Narinig naming sinabi niya, Aking igigiba ang templong ito na gawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko ang ibang hindi gawa ng mga kamay. At kahit sa papagayon man ay hindi rin nangagkatugma ang patotoo nila. At nagtindig sa gitna ang dakilang saserdote, at tinanong si Jesus na sinabi, Hindi ka sumasagot ng anoman? ano ang sinasaksihan ng mga ito laban sa iyo? Datapuwa't siya'y hindi umiimik, at walang isinagot. Tinanong siyang muli ng dakilang saserdote, at sinabi sa kaniya, Ikaw baga ang Cristo, ang Anak ng Mapalad? At sinabi ni Jesus, Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan, at pumaparito na nasa mga alapaap ng langit. At hinapak ng dakilang saserdote ang kaniyang mga damit, at nagsabi, Ano pang kailangan natin ng mga saksi? Narinig ninyo ang kapusungan: ano sa akala ninyo? At hinatulan nilang lahat na siya'y dapat mamatay. At pinasimulang luraan siya ng ilan, at tinakpan ang kaniyang mukha, at siya'y pinagsusuntok, at sa kaniya'y kanilang sinasabi, Hulaan mo: at siya'y pinagsusuntok ng mga punong kawal. At samantalang nasa ibaba si Pedro, sa looban, ay lumapit ang isa sa mga alilang babae ng dakilang saserdote; At pagkakita niya kay Pedro na nagpapainit, ay tinitigan niya siya, at sinabi, Ikaw man ay kasama rin ng Nazareno, na si Jesus. Datapuwa't siya'y kumaila, na sinasabi, Hindi ko nalalaman, ni nauunawa man ang sinasabi mo: at lumabas siya sa portiko; at tumilaok ang manok. At nakita siya ng alilang babae, at nagpasimulang magsabing muli sa nangaroroon, Ito ay isa sa kanila. Datapuwa't muling ikinaila niya. At hindi nalaon, at ang nangaroon ay nangagsabing muli kay Pedro. Sa katotohanang ikaw ay isa sa kanila; sapagka't ikaw ay Galileo. Datapuwa't siya'y nagpasimulang manungayaw, at manumpa, Hindi ko nakikilala ang taong ito na inyong sinasabi. At pagdaka, bilang pangalawa'y tumilaok ang manok. At naalaala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ng makalawa, ay ikakaila mo akong makaitlo. At nang maisip niya ito, ay tumangis siya.