Tungkol naman sa nilalaman ng inyong sulat, sinasabi ko sa inyo na mabuti sa isang lalaki ang huwag mag-asawa. Ngunit para maiwasan ang pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa. Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Huwag ninyong ipagkakait ang inyong sarili sa isa't isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, magsiping na muli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil. Ang sinabi ko'y hindi utos kundi pag-unawa sa inyong kalagayan. Nais ko sanang ang bawat isa ay makatulad ko. Ngunit may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos at ang mga ito'y hindi pare-pareho. Ito naman ang masasabi ko sa mga walang asawa at sa mga biyuda: mabuti pa sa kanila ang manatiling walang asawa tulad ko. Ngunit kung hindi sila makapagpigil sa sarili, mag-asawa na sila; mas mabuti ang mag-asawa kaysa di-makapagpigil sa matinding pagnanasa. Ito naman ang iniuutos sa mga may asawa, hindi mula sa akin kundi mula sa Panginoon: huwag makipaghiwalay ang babae sa kanyang asawa. Ngunit kung siya'y hihiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y muling makipagkasundo sa kanyang asawa. At huwag rin namang palalayasin at hihiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa. Sa iba naman, ito ang sinasabi ko, ako ang nagsasabi at hindi ang Panginoon: kung ang isang lalaking mananampalataya ay may asawang di mananampalataya at nais nitong patuloy na makisama sa kanya, huwag niya itong hiwalayan. Kung ang isang babaing sumasampalataya ay may asawang di sumasampalataya at nais ng lalaking magpatuloy ng pakikisama sa kanya, huwag siyang makipaghiwalay. Sapagkat ang lalaking hindi pa sumasampalataya ay nagiging katanggap-tanggap din sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi pa sumasampalataya ay nagiging katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi gayon ay magiging marumi sa paningin ng Diyos ang kanilang mga anak; ngunit ang totoo, ang mga ito ay katanggap-tanggap sa Diyos. Kung nais namang humiwalay ng asawang hindi mananampalataya sa kaniyang asawang sumasampalataya, hayaan ninyo siyang humiwalay. Sa gayong mga pagkakataon, ang hinihiwalayan ay malaya na sapagkat tinawag kayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. Anong malay ninyo, mga babae, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? Mamuhay ang bawat isa ayon sa ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon, at magpatuloy sa dati niyang kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos. Ito ang itinuturo ko sa lahat ng iglesya. Kung ang isang lalaki ay tuli na nang siya'y tawagin ng Diyos, huwag na niyang alisin ang mga palatandaan ng kanyang pagiging tuli. At kung hindi naman tuli nang siya'y tawagin, huwag na siyang mag-asam na magpatuli pa. Hindi mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi; subalit ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Manatili ang bawat isa sa katutubong kalagayan niya sa buhay nang siya'y tawagin ng Diyos.
Basahin 1 Mga Taga-Corinto 7
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: 1 Mga Taga-Corinto 7:1-20
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas