Manatili ang bawat isa sa katutubong kalagayan niya sa buhay nang siya'y tawagin ng Diyos. Ikaw ba'y isang alipin nang tawagin ka ng Diyos? Huwag mong intindihin iyon. Ngunit kung may pagkakataon kang maging isang malaya, samantalahin mo. Ang isang alipin noong tawagin ng Panginoon ay malaya na dahil sa Panginoon. Gayundin naman, ang taong malaya nang siya'y tawagin ni Cristo ay naging alipin ni Cristo. Malaking halaga ang ipinantubos sa inyo ng Diyos; huwag kayong paaalipin sa mga tao. Mga kapatid, anuman ang kalagayan ninyo sa buhay nang kayo'y tawagin, manatili kayo sa gayong pakikiisa sa Diyos.
Tungkol naman sa mga taong walang asawa, wala akong maibibigay na utos mula sa Panginoon. Ngunit magbibigay ako ng aking opinyon bilang isang taong mapagkakatiwalaan sapagkat kinahabagan ako ng Panginoon.
Dahil sa matinding kahirapan sa kasalukuyan, inaakala kong mabuti pa sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. Ikaw ba'y isang lalaking may asawa na? Huwag kang makipaghiwalay. Wala ka pa bang asawa? Huwag mo nang hangaring magkaasawa. Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala. Kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi rin siya nagkakasala. Ngunit ang nag-aasawa ay magdaranas ng mga kahirapan sa buhay na ito, at iyan ang nais kong maiwasan ninyo.
Mga kapatid, ito ang ibig kong sabihin: malapit na ang wakas ng panahon, kaya't mula ngayon, ang may asawa ay mamuhay na parang walang asawa; ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang namimili, na parang walang ari-arian, at ang mga may tinatamasa sa sanlibutang ito, na parang wala silang tinatamasa. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito'y hindi na magtatagal.
Nais kong mailayô kayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagkakaabalahan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawaing ukol sa Panginoon—kung paano niya mabibigyan ng kaluguran ang Panginoon. Ngunit ang pinagkakaabalahan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa. Dahil dito'y hati ang kanyang malasakit. Gayundin naman, ang pinagkakaabalahan ng isang babaing walang asawa o ng isang dalaga ay ang mga bagay ukol sa Panginoon, sapagkat nais niyang maitalagang lubusan ang sarili para sa paglilingkod sa Panginoon. Subalit ang iniintindi ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa.
Sinasabi ko ito upang matulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang nais ko'y maakay kayo sa maayos na pamumuhay at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.
Kung inaakala ng isang lalaki na nagkakaroon siya ng masidhing pagnanasa sa kanyang katipan, at dahil dito'y kailangang pakasal sila, pakasal na sila. Ito ay hindi kasalanan. At kung ipinasya niyang huwag pakasalan ang kanyang kasintahan at hindi naman siya napipilitan lamang at siya'y may lubusang pagpipigil sa sarili, mabuti ang ganitong kapasyahan. Kaya nga, mabuti ang magpasyang pakasalan ang kanyang kasintahan, ngunit mas mabuti ang hindi mag-asawa.
Ang babae ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Kapag namatay ang lalaki, ang babae ay malaya nang mag-asawa sa sinumang maibigan niya, ngunit dapat ay sa isa ring nananampalataya sa Panginoon. Subalit sa aking palagay, higit siyang magiging maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan bilang biyuda. Iyan ang palagay ko, at sa palagay ko nama'y nasa akin din ang Espiritu ng Diyos.