Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Hari 4

4
Ang mga Opisyal ni Solomon
1-6Ito ang matataas na opisyal ni Solomon nang siya'y hari ng buong Israel:
Pari: Azariah na anak ni Zadok
Kalihim ng Pamahalaan:
Elihoref at Ahias na mga anak ni Sisa
Tagapag-ingat ng mga Kasulatan:
Jehoshafat na anak ni Ahilud
Pinakamataas na pinuno ng hukbo:
Benaias na anak ni Joiada
Mga Pari: Zadok at Abiatar
Tagapamahala sa mga punong-lalawigan:
Azarias na anak ni Natan
Tagapayo ng Hari:
Ang paring si Zabud na anak ni Natan
Katiwala sa palasyo: Ahisar
Tagapangasiwa sa sapilitang paggawa:
Adoniram na anak ni Abda
7Naglagay din si Solomon ng labindalawang punong-lalawigan. Bawat buwan, isa sa kanila ang nag-iipon at nagpapadala ng pagkain para sa hari at kanyang sambahayan. 8Ito ang kanilang mga pangalan: si Benhur, sa kabundukan ng Efraim; 9si Ben-dequer ang sa Macaz, Saalbim, Beth-semes, at Elon-behanan; 10si Ben-hessed, sa Arubot; sa kanya rin ang Socoh at ang buong lupain ng Hefer. 11Sa kataasan ng Dor, si Ben-abinadab, na manugang ni Solomon—asawa ni Tafath. 12Si Baana, anak ni Ahilud, ang sa Taanac at Megido, kabila ng Jokneam. Sakop din niya ang buong Beth-sean sa ibaba ng Jezreel, buhat sa Beth-sean hanggang sa Abel-mehola na nasa tabi ng Zaretan. 13Si Ben-geber ang sa Ramot-galaad. Kanya ang mga kampo ni Jair na anak ni Manases sa lupain ng Gilead. Kanya rin ang sakop ng Argob sa lupain ng Bashan—animnapung lunsod na napapaligiran ng pader at may kandadong tanso sa mga tarangkahan. 14Sa Mahanaim naman ay si Ahinadab na anak ni Iddo, 15at si Ahimaaz, asawa ni Basemat na anak ni Solomon ang sa Neftali. 16Si Baana na anak ni Husai ang sa Asher at sa Alot, 17at si Jehoshafat na anak ni Parua ang sa Isacar. 18Sa Benjamin ay si Simei na anak ni Ela, 19samantalang si Geber na anak ni Uri ay inilagay niya sa Gilead, sa lupain ni Sihon, hari ng mga Amoreo, at ni Og, hari ng Bashan.
At mayroon pang isang pinuno sa mga sariling lupain ng hari.
Ang Kayamanan at Karunungan ni Solomon
20Parang buhangin sa tabing-dagat sa dami ang mga mamamayan sa Juda at Israel. Sagana sila sa pagkain at inumin at masaya silang namumuhay. 21Napasailalim#Gen. 15:18; 2 Cro. 9:26. sa kaharian ni Solomon ang lahat ng kaharian mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at hangganan ng Egipto. Nagbabayad sila ng buwis at naglilingkod sa kanya habang siya'y nabubuhay.
22Ganito karami ang pagkaing nauubos ni Solomon at ng kanyang mga tauhan araw-araw. Harinang mainam, 150 kaban; harinang karaniwan, 300 kaban; 23ulo ng pinatabang baka, sampu nito ay bakang galing sa pastulan; isandaang tupa, bukod pa ang mga usang malalaki at maliliit, mga usang gubat at mga gansa.
24Sakop niya ang lahat ng lupain sa kanluran ng Ilog Eufrates buhat sa Tifsa hanggang sa Gaza, at nagpasakop sa kanya ang lahat ng hari sa kanluran ng ilog. Kaya't walang gumagambala sa kanyang kaharian. 25Habang nabubuhay si Solomon ay mapayapa ang buong Juda at Israel. Mula sa Dan hanggang sa Beer-seba bawat pamilya ay may sariling punong ubas at punong igos.
26Si#1 Ha. 10:26; 2 Cro. 1:14; 9:25. Solomon ay may 40,000 kuwadra ng kabayo para sa kanyang mga karwahe, at mayroon rin siyang 12,000 mangangabayo. 27Ang labindalawang punong-lalawigan ang nagpapadala ng mga pagkain at lahat ng pangangailangan ni Solomon at ng mga tauhang pinapakain niya, bawat isa'y isang buwan. Kailanma'y hindi sila nagkulang. 28Sila rin ang nagbibigay ng sebada at dayami para sa mga kabayong sasakyan at pangkarwahe; ipinadadala nila iyon kung saan kailangan.
29Walang kapantay ang katalinuhan at karunungang ipinagkaloob ni Yahweh kay Solomon. Walang katulad ang kanyang kaalaman. 30Ito ay higit sa karunungan ng lahat ng mga matatalinong tao sa silangan at sa buong Egipto. 31Mas#Awit 89 Pamagat. marunong siya kaysa sinumang tao. Mas marunong siya kay Etan na mula sa angkan ni Ezra, at kina Heman, Calcol, Darda, na mga anak ni Machol. Naging tanyag siya sa lahat ng bansa sa paligid. 32Siya#Kaw. 1:1; 10:1; 25:1; Aw. ni S. 1:1. ang may-akda ng tatlong libong salawikain; kumatha rin siya ng isang libo't limang mga awit. 33Nakapagpapaliwanag siya tungkol sa lahat ng uri ng halaman: mula sa sedar ng Lebanon hanggang sa hisopong tumutubo sa pader. Naipapaliwanag din niya ang tungkol sa mga hayop na lumalakad o gumagapang sa lupa; gayundin ang tungkol sa mga ibon at mga isda. 34Dinadayo siya ng mga hari sa buong daigdig upang makinig sa kanyang karunungan. Pinapapunta rin sa kanya ang maraming mga tao upang siya'y mapakinggan.

Kasalukuyang Napili:

1 Mga Hari 4: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in