Huwag mong pagsasalitaan nang marahas ang lalaking nakatatanda sa iyo, kundi paalalahanan mo siya na parang sarili mong ama. Pakitunguhan mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki. Ituring mong parang sariling ina ang matatandang babae, at pakitunguhan mo nang buong kalinisan ang mga kabataang babae na parang iyong mga kapatid.
Tulungan mo ang mga biyudang walang ikabubuhay. Subalit kung ang isang biyuda ay may mga anak o apo, sila ang unang dapat kumalinga sa kanya bilang pagtanaw ng utang na loob, sapagkat ito ay nakalulugod sa Diyos. Ang tunay na biyuda ay iyong nag-iisa na sa buhay, at tanging sa Diyos lamang umaasa, kaya't patuloy siyang nananalangin sa araw at gabi. Samantala, ang biyudang nabubuhay sa kalayawan ay maituturing nang patay. Ipatupad mo sa kanila ang utos na ito upang walang maisumbat sa kanila ang sinuman. Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumatalikod sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di mananampalataya.
Ang biyudang dapat isama sa listahan ng tutulungan ay iyong di bababâ sa animnapung taóng gulang, minsan lamang nag-asawa, kilala sa paggawa ng kabutihan, nagpalaki nang maayos sa kanyang mga anak, magiliw tumanggap sa nakikituloy sa kanyang tahanan, naglingkod nang may kababaang-loob sa mga kapatid sa Panginoon, tumulong sa mga nangangailangan at inialay ang sarili sa paggawa ng mabuti.
Huwag mong isasama sa listahan ng mga biyuda ang mga bata pa, sapagkat kapag nag-alab ang kanilang pagnanasa, mapapalayo sila kay Cristo, at mag-aasawang muli. Sa gayon, nagkakasala sila dahil sa hindi pagtupad sa una nilang pangako kay Cristo. Sila'y nagiging tamad at nag-aaksaya ng panahon sa pangangapitbahay; at sila'y nagiging tsismosa, mahilig makialam sa buhay ng may buhay at madadaldal. Kaya't para sa akin, mabuti pang sila'y mag-asawang muli, magkaanak at mag-asikaso ng tahanan, upang ang ating kaaway ay hindi magkaroon ng pagkakataong mapintasan tayo, sapagkat may ilan nang biyudang nailigaw ni Satanas.
Kailangang alagaan ng babaing mananampalataya ang mga kamag-anak nilang biyuda upang hindi sila maging pabigat sa iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang walang ibang inaasahan.
Ang mga pinunong mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos. Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Ang manggagawa ay karapat-dapat bayaran.”
Huwag mong tatanggapin ang anumang paratang laban sa isang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi.