Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 2:1-21

Mga Gawa 2:1-21 RTPV05

Nagkakatipon silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig. Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika? Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na naakit sa pananampalatayang Judio. May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?” Hindi nila lubusang maunawaan ang nangyari, kaya't nagtatanungan sila, “Ano ang kahulugan nito?” Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!” Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na mga panauhin sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon. Ang nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel, ‘Ito ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘Ipagkakaloob ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao; ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe. Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain, at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip. Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu, sa aking mga alipin, maging lalaki at maging babae, at ipahahayag nila ang aking mensahe. Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit at mga himala sa lupa; dugo, apoy at makapal na usok. Ang araw ay magdidilim, ang buwan ay pupulang parang dugo, bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon. At sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’