Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 9:1-15

Mga Gawa 9:1-15 RTPV05

Samantala, patuloy ang pagsisikap ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Kaya't lumapit siya sa Pinakapunong Pari ng mga Judio at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya at madala sa Jerusalem ang sinumang lalaki o babae na matagpuan niya roong kaanib sa Daan ng Panginoon. Naglakbay si Saulo papuntang Damasco, at nang siya'y malapit na sa lunsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. Natumba siya sa lupa at narinig niya ang isang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?” “Sino kayo, Panginoon?” tanong niya. “Ako'y si Jesus, ang iyong inuusig,” tugon ng tinig sa kanya. “Tumayo ka't pumasok sa lunsod, at doo'y sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.” Natigilan ang mga kasama ni Saulo nang marinig nila ang tinig ngunit wala naman silang makitang nagsasalita. Tumayo si Saulo at nang dumilat, hindi na siya makakita, kaya't siya'y inakay ng mga kasama niya hanggang sa Damasco. Hindi siya nakakita sa loob ng tatlong araw, hindi rin siya kumain ni uminom. Sa Damasco naman ay may isang alagad na ang pangala'y Ananias. Tinawag siya ng Panginoon sa pamamagitan ng isang pangitain, “Ananias!” “Ano po iyon, Panginoon,” tugon niya. Inutusan siya ng Panginoon, “Pumunta ka sa kalyeng tinatawag na Tuwid, sa bahay ni Judas, at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala'y Saulo. Siya'y nananalangin ngayon. Sa isang pangitain, nakita ka niyang pumasok sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay upang siya'y makakitang muli.” Sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa taong ito at tungkol sa mga kasamaang ginawa niya sa inyong mga hinirang sa Jerusalem. At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong pari ng mga Judio, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.” Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka roon, sapagkat pinili ko siya upang ipangaral ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel.