Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Colosas 2:8-23

Mga Taga-Colosas 2:8-23 RTPV05

Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhan at madayang katuruan na hindi kay Cristo nagmula, kundi sa mga tradisyon ng mga tao at sa mga alituntunin ng mundong ito. Sapagkat likas kay Cristo ang buong pagka-diyos kahit na siya'y nagkatawang-tao. Kaya't kayo'y ganap na sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala. Sa pamamagitan din ni Cristo, kayo'y tinuli hindi ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu. Sa pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. Kayong dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi nasasakop ng Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay. Kaya't huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito. Huwag kayong magpapatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ipinagmamalaki nilang sila'y nakakahigit sa inyo dahil sa ipinaggigiitan nilang mga bagay na di naman nakikita. Ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila dala ng kanilang isipang makalaman. Hindi sila nagpapasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan. Siya rin ang nagdurugtong ng mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad sa buong katawan ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos. Kayo'y namatay nang kasama ni Cristo at hindi na sakop ng mga alituntunin ng mundong ito. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyan,” “Huwag gagalawin iyon”? Ang mga ito'y utos at katuruan lamang ng tao, at nauukol sa mga bagay na nauubos kapag ginagamit. Sa biglang tingin, tila nga makakabuti ang ganoong uri ng pagsamba at ang ganoong pagpapakumbaba at pagpapahirap sa sariling katawan. Ngunit ang mga ito ay hindi nakakapigil sa hilig ng laman.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya