Daniel 11
11
1“Nang unang taon ng paghahari ni Dario na taga-Media, pinalakas ni Miguel ang aking kalooban at tinulungan niya ako.
Ang mga Hari ng Egipto at Siria
2“Ngayon, sasabihin ko sa iyo ang katotohanan: Magkakaroon pa ng tatlong hari ang Persia. Pagkatapos, lilitaw naman ang ikaapat na hari na magiging mas mayaman kaysa sa kanilang lahat. Dahil sa kanyang kayamanan, siya'y magiging makapangyarihan at hahamunin niya ang kaharian ng Grecia. 3Pagkatapos, lilitaw ang isa na namang makapangyarihang hari. Ito ay maghahari sa isang malawak na nasasakupan at gagawin niya ang anumang kanyang maibigan. 4Kapag naghahari na siya, mahahati sa apat ang kanyang kaharian ngunit isa ma'y walang mauuwi sa kanyang mga kaanak. Ang kaharian niya'y masasakop ng mga taga-ibang bayan, ngunit sinuman sa kanila'y hindi magkakaroon ng kapangyarihang mamahala tulad ng sa kanya.
5“Ang hari sa Egipto ay magiging makapangyarihan. Ngunit magiging mas makapangyarihan kaysa kanya ang isa niyang pinuno, at mas magiging malawak ang kaharian nito. 6Pagkalipas ng ilang taon, ang hari ng Egipto ay makikipagkasundo sa hari ng Siria at ipakakasal sa kanya ang anak nitong babae. Ngunit ang pagkakasundo ay di magtatagal. Siya, ang kanyang asawa't anak at ang mga lingkod na sumama sa kanya ay papataying lahat.
7“Hindi magtatagal at isa sa kanyang mga kamag-anak ang magiging hari. Sisirain nito ang tanggulan ng kaharian sa hilaga. Papasukin niya ito at siya'y magtatagumpay. 8Sasamsamin din niya at iuuwi sa Egipto ang kanilang mga diyus-diyosan, pati ang mga kagamitang pilak at ginto. Pagkalipas noon, hindi na niya muling sasalakayin ang kaharian sa hilaga sa loob ng maraming taon. 9At sila naman ang sasalakayin ng mga taga-hilaga. Madadaig sila ngunit babalik din ang mga iyon sa kanilang lupain.
10“Ang mga anak ng hari ng Siria ay magtitipon ng maraming kawal at maghahanda sa pakikipagdigma. Parang baha na sasalakayin ng isa sa kanila ang tanggulan ng hari ng Egipto. 11Dahil dito, galit na haharapin sila ng hari ng Egipto, kasama ang marami nitong kawal na lulupig sa kanila. 12Bunga nito, magiging palalo ang hari ng Egipto dahil sa libu-libong kawal na napatay niya, ngunit hindi magtatagal ang kanyang pagtatagumpay. 13Ang hari ng Siria ay muling magtatayo ng hukbo na mas malaki kaysa una nitong hukbo. Pagkalipas ng ilang taon, muli itong sasalakay kasama ang mas maraming kawal na may dalang napakaraming kagamitang pandigma.
14“Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng Egipto, kabilang na ang mga kababayan mong mapupusok. Mag-aalsa rin sila upang matupad ang kanilang hangarin, ngunit mabibigo silang lahat. 15Ang hari ng Siria ay darating upang kubkubin at salakayin ang isang matibay na lunsod. Walang magagawa ang hukbo ng hari ng Egipto pati ang mga pinakamahuhusay na kawal nito. 16Kaya't magagawa ng Asirianong manlulupig ang lahat ng gusto niya at walang sinumang makakahadlang sa kanya. Sasakupin niya ang lupang pangako at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.
17“Pipilitin niyang sakupin ang buong kaharian ng Egipto. Makikipagkasundo siya sa hari doon at iaalok ang kanyang anak na babae upang maging asawa nito sa layuning wasakin ang kaharian ng Egipto. Ngunit hindi magtatagumpay ang kanyang layunin. 18Pagkaraan niyon, haharapin niya ang mga bansa sa baybay-dagat at bibihagin ang marami sa mga tagaroon. Ngunit matatalo siya ng isang pinuno at ito ang puputol sa kanyang kapalaluan upang hindi siya makaganti. 19Ang haring ito ay babalik sa mga kuta ng kanyang lupain ngunit matatalo rin at mamamatay.
20“Ang papalit sa haring ito ay magsusugo ng mga taong sapilitang maniningil ng buwis para sa karangalan ng kaharian. Ngunit hindi magtatagal, siya'y mamamatay nang hindi dahil sa labanan o sa digmaan.
Ang Masamang Hari ng Siria
21“May lilitaw na isang malupit at kinapopootang tao na gustong maging hari. Ngunit hindi ibibigay sa kanya ang karapatan sa trono. Kaya, bigla niyang aagawin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya at katusuhan. 22Gagapiin niya at dudurugin ang mga hukbong sandatahan pati ang Dakilang Pari. 23Makikipagkasundo siya sa maraming mga bansa, ngunit dadayain niya ang mga ito. Bagama't kakaunti ang kanyang mga tauhan, siya ay magiging makapangyarihan. 24Lihim niyang kukunin ang pinakamayayamang bahagi ng lalawigan. Gagawin niya ang mga bagay na hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Ang kanyang mga tagasunod ay bibigyan niya ng bahagi mula sa mga nasamsam nila sa digmaan. Iisip siya ng mga panukala upang lusubin ang iba't ibang kuta, ngunit hindi siya magtatagal.
25“Ang haring ito ay magtatatag ng isang malaking hukbo upang ipakita ang kanyang lakas at tapang laban sa hari ng Egipto, ngunit mas malaki at mas malakas ang hukbong ihaharap nito sa kanya. Gayunman, madadaya ang hari ng Egipto at siya ay hindi magtatagumpay. 26Pagtatangkaan siyang patayin maging ng mga kasalo niya sa pagkain. Malulupig din ang kanyang hukbo at marami ang mamamatay sa labanan. 27Ang dalawang hari na kapwa may masamang balak ay magkasalong kakain at magsasalita ng kasinungalingan sa isa't isa. Gayunman, walang mangyayari sa iniisip nila sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon. 28Ang hari ng Siria ay uuwing taglay ang malaking kayamanang nasamsam niya. Ngunit bago siya umuwi sa sariling kuta, uusigin muna niya ang relihiyon ng bayan ng Diyos.
29“Pagdating ng takdang araw, sasalakayin niyang muli ang Egipto, ngunit sa pagkakataong iyon, ang mangyayari'y hindi tulad noong una. 30Hahadlangan#2 Mcb. 5:11. siya ng hukbong-dagat ng Kitim at matatakot siya. Dahil dito, aatras siya at ibubuhos sa relihiyon ng bayan ng Diyos ang kanyang poot. Sa pagbabalik niyang ito, pahahalagahan niya ang payo ng mga tumalikod sa presensya ng Diyos. 31Magpapadala#Dan. 9:27; 12:11; Mt. 24:15; Mc. 13:14. siya ng mga hukbong sandatahan upang lapastanganin ang Templo. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ipapalit ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. 32Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga Judiong tumalikod sa kasunduan, ngunit maninindigan ang mga nananatiling tapat sa kanilang Diyos. 33Tuturuan ng marurunong sa lupain ang mga tao kahit na sa simula ay mamamatay ang iba sa kanila sa pamamagitan ng espada at apoy o mabihag at pagnakawan. 34Sa kanilang pagkatalo, may ilan lamang na tutulong sa kanila bagama't marami ang magkukunwaring kasama nila. 35Ilan sa marurunong ang nagbubuwis ng buhay upang ang mga nalabi sa kanila ay maging dalisay at malinis hanggang sa dumating ang takdang wakas.
36“Gagawin#2 Tes. 2:3-4; Pah. 13:5-6. ng hari ang kanyang magustuhan. Itataas niya ang kanyang sarili at gagawing higit kaysa alinmang diyos; hahamakin niya maging ang Kataas-taasang Diyos. Magtatagumpay lamang siya habang hindi pa ibinubuhos ng Diyos ang kanyang poot, sapagkat kailangang maganap ang mga bagay na itinakda. 37Hindi niya pahahalagahan ang mga diyos ng kanyang mga ninuno ni ang sinasamba ng mga kababaihan. Sa katunayan, wala siyang pahahalagahang diyos, sapagkat ipalalagay niyang higit siya sa lahat. 38Wala siyang kikilalaning diyos kundi ang diyos na nagbabantay ng mga muog. Mag-aalay siya ng ginto, pilak, mamahaling bato at mamahaling regalo sa diyos na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. 39Gagamitin niya ang mga taong sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi kilala upang ipagtanggol ang kanyang mga muog. Pagkakalooban niya ng malaking karangalan ang lahat ng tatanggap sa kanya bilang pinuno. Sila'y gagawin niyang tagapamahala at bibigyan ng lupain bilang gantimpala.
40“Darating ang araw na ang hari ng Siria ay sasalakayin ng hari ng Egipto, ngunit haharapin niya ito sa pamamagitan ng maraming karwaheng pandigma, kabayuhan at mga sasakyang pandagat. Sasakupin niya ang mga bansa na parang dinaanan ng isang malaking baha. 41Papasukin din niya ang lupang pangako at libu-libo ang mamamatay sa labanan. Ngunit makakaligtas ang mga Edomita, Moabita at ang mga nalabing Ammonita. 42Maraming bansa ang masasakop niya, kabilang dito ang Egipto. 43Pamamahalaan niya ang ginto, pilak at lahat ng kayamanan ng Egipto; pati ang Libya at ang Etiopia#43 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo'y “Cus,” sakop nito ang kasalukuyang mga bansa ng Etiopia at Sudan. ay masasakop niya. 44Ngunit mabibigla siya dahil sa balitang darating mula sa silangan at hilaga. Dahil dito'y mag-aalab ang kanyang galit at papatay ng marami sa labanan. 45Magtatayo siya ng mala-palasyong tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok na kinalalagyan ng Templo. Ngunit doon siya mamamatay ng wala man lang tutulong sa kanya.
Kasalukuyang Napili:
Daniel 11: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society