Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Efeso 3:1-13

Mga Taga-Efeso 3:1-13 RTPV05

Dahil dito, akong si Pablo ay naging bilanggo para kay Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil. Marahil ay nabalitaan na ninyo na dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay pinagkatiwalaan niya ako ng tungkuling ito para sa inyong ikabubuti. Tulad ng naisulat ko na, ipinahayag sa akin ng Diyos ang kanyang hiwaga. At habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyo kung ano ang pagkaunawa ko sa hiwaga tungkol kay Cristo. Ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga Hentil ay may bahagi rin sa mga pagpapala ng Diyos tulad ng mga Judio; kabilang din sila sa iisang katawan at may bahagi sa pangako ng Diyos dahil kay Cristo Jesus. Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako'y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito'y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos. Gayunma'y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging karapatan na ito, ang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo, at magpaliwanag sa lahat kung paano isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan. Ito'y alinsunod sa kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlibutan. Tinupad niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Dahil sa ating pakikipag-isa at pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob. Kaya't hinihiling ko sa inyo na huwag kayong panghihinaan ng loob dahil sa mga kahirapang tinitiis ko alang-alang sa inyo, sapagkat ito'y para sa inyong ikararangal.