Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Efeso 5:5-18

Mga Taga-Efeso 5:5-18 RTPV05

Alam na ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim sapagkat ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. Kaya't huwag na kayong makikisama sa kanila. Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag. Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag. Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag na kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibinubungang kabutihan. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon. Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim. Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon, at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa libingan, at liliwanagan ka ni Cristo.” Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo'y makagawa ng mabuti sapagkat punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon. Huwag kayong maging hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. Huwag kayong maglalasing, sapagkat mauuwi iyan sa magulong pamumuhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu.