Genesis 44
44
Ang Nawawalang Kopa
1Inutusan ni Jose ang kanyang katiwala, “Punuin mo ng trigo ang kanilang mga sako at bago mo isara ay ilagay mo ang salaping ibinayad nila. 2At sa sako ng pinakabunso, ilagay mo pa ang aking kopang pilak.” Ginawa naman ng katiwala ang iniutos sa kanya. 3Kinabukasan, maaga pa'y umalis na ang magkakapatid, sakay ng kanilang mga asno. 4Hindi pa sila nakakalayo sa lunsod, inutusan ni Jose ang kanyang katiwala, “Habulin mo ang mga taong iyon, at sabihin mo sa kanila, ‘Bakit naman ginantihan ninyo ng masama ang kabutihang ipinakita namin sa inyo? 5Bakit ninyo ninakaw ang kopang pilak ng aking panginoon? Iyon ang iniinuman ng aking panginoon, at ginagamit din niya iyon sa panghuhula. Napakalaking kasalanan ang ginawa ninyong ito!’”
6Inabutan sila ng katiwala, at gayon nga ang sinabi sa kanila. 7Sumagot naman sila, “Ano pong ibig ninyong sabihin? Bakit kayo nagsalita ng ganyan? Ni sa isip ay hindi namin magagawa iyan! 8Nakita naman ninyo, nakarating na kami sa Canaan, gayunma'y ibinalik pa rin namin sa inyo ang salaping nakita namin sa loob ng aming sako. Bakit kami magnanakaw ng pilak o ginto sa tahanan ng inyong panginoon? 9Ginoo, kung makita po ninyo sa sinuman sa amin ang kopang sinasabi ninyo ay dapat mamatay, at alipinin ninyo kaming lahat.”
10“Mabuti,” tugon ng katiwala. “Kung kanino makita ang kopa, siya ang gagawing alipin; makakalaya na ang iba.” 11Ibinabâ nila ang kanilang mga sako at pinagbubuksan. 12Isa-isa itong hinalughog ng katiwala mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata, at natagpuan ang kopa sa sako ni Benjamin. 13Pinunit nila ang kanilang damit sa tindi ng kalungkutan, ikinargang muli sa asno ang kanilang mga sako, at bumalik sa lunsod.
14Nasa bahay pa si Jose nang magbalik si Juda at ang kanyang mga kapatid. Pagdating doon, sila'y yumukod sa kanyang harapan. 15Sinabi ni Jose, “Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo alam na marunong akong manghula? Wala kayong maitatago sa akin!”
16“Wala na po kaming masasabi,” sagot ni Juda. “Wala po kaming maikakatuwiran sa mga pangyayari. Diyos na po ang nagbunyag ng aming pagkakasala. Kaya, hindi lamang ang kinakitaan ng kopa, kundi lahat kami'y alipin na ninyo ngayon.”
17Sinabi ni Jose, “Hindi! Hindi ko gagawin iyon. Kung kanino nakita ang kopa, siya ang gagawin kong alipin; ang iba ay makakauwi na sa inyong ama.”
Nagmakaawa si Juda
18Lumapit si Juda kay Jose at ang sabi, “Nakikiusap po ako, ginoo, kung inyong mamarapatin. Huwag sana ninyong ikagagalit. Ang turing ko sa inyo'y para na kayong Faraon. 19Ginoo, tinanong ninyo kung mayroon pa kaming ama at kapatid. 20Ang sabi po nami'y may ama kaming matanda na at bunsong kapatid na anak niya sa katandaan. Patay na ang kapatid nito at siya na lamang ang buháy na anak ng kanyang ina, kaya mahal na mahal siya ng aming ama. 21Iniutos ninyong dalhin namin siya rito upang inyong makita. 22Ipinaliwanag po naming mahirap ilayo sa aming ama ang bata sapagkat maaaring ikamatay niya ito. 23Ngunit ang sabi naman ninyo'y hindi na ninyo kami tatanggapin dito kung hindi namin siya maihaharap sa inyo.
24“Ang lahat ng ito'y sinabi namin sa aming ama nang umuwi kami. 25Muli kaming inutusan ng aming ama na pumarito upang bumili ng kaunting pagkain. 26Ipinaalala namin sa kanya na hindi ninyo kami tatanggapin kung hindi kasama ang bunso naming kapatid. 27Sinabi po niya sa amin, ‘Alam naman ninyong dalawa lamang ang anak ng kanilang ina. 28Wala na ang isa; maaaring siya'y niluray ng mabangis na hayop. 29At kung ang natitira ay isasama pa ninyo, maaaring mamatay ako sa dalamhati.’
30“Ang buhay po ng aming ama ay karugtong na ng buhay ng bata, kaya kung babalik kami na hindi ito kasama, 31tiyak na siya'y mamamatay. Kapag nakita niyang hindi namin kasama ang bata, malalagutan siya ng hininga dahil sa kalungkutan. 32Ang isa pa'y itinaya ko ang aking buhay para sa bata. Sinabi ko po na kung siya'y hindi ko maibabalik, ako ang buntunan niya ng sisi. 33Kaya kung papayag kayo, ako na ang alipinin ninyo sa halip na itong aking bunsong kapatid. Pahintulutan na ninyong isama siya ng iba kong mga kapatid. 34Hindi po ako makakauwi kung hindi kasama si Benjamin. Hindi ko po makakayanan ang matinding dagok na darating sa aming ama, kung iyon ang mangyayari.”
Kasalukuyang Napili:
Genesis 44: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society