Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Hebreo 4:1-12

Mga Hebreo 4:1-12 RTPV05

Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo'y makakapasok at makakapagpahinga sa piling niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Magandang Balita, ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig dahil hindi nila ito tinanggap nang may pananampalataya. Tayong mga sumampalataya ang nakatanggap ng kapahingahang ipinangako. Ito'y ayon sa kanyang sinabi, “Sa galit ko'y aking isinumpa, ‘Hindi sila makakapasok at hindi makakapagpahinga sa aking piling.’” Sinabi niya ito kahit tapos na niya ang kanyang mga gagawin mula nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan ang tungkol sa ikapitong araw, “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” At muli pang sinabi, “Hindi sila makakapasok at makakapagpahinga sa aking piling.” Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok at nakapagpahinga dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring magpahinga sa piling ng Diyos. Kaya't muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang “Ngayon”. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit, “Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos, iyang inyong puso'y huwag patigasin.” Kung ang mga tao noon ay nabigyan ni Josue ng lubos na kapahingahan, hindi na sana ipinangako pa ng Diyos ang tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, sapagkat ang sinumang makapasok at makapagpahinga sa piling ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang paggawa, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. Kaya't sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya. Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng tao.