Isaias 28
28
Babala sa Israel
1Kawawa ang Israel, sapagkat naglalaho na ang kanyang karangalan;
parang kumukupas na kagandahan ng bulaklak sa ulo ng mga lasenggong pinuno.
May pabango nga sila sa ulo ngunit animo'y patay na nakahiga dahil sa kalasingan.
2Narito, may inihanda na ang Panginoon, isang taong malakas at makapangyarihan;
sinlakas ito ng isang mapaminsalang bagyo,
taglay ang malakas na hangin, ulan at rumaragasang baha,
upang palubugin ang buong lupa.
3Yuyurakan ang ipinagmamalaking karangalan
ng mga lasenggong pinuno ng Israel.
4Mabilis ang pagkawala ng kanyang nagniningning na kagandahan
tulad ng pagkaubos ng mga unang bunga ng igos,
na agad kinukuha at kinakain kapag nahinog.
5Sa araw na iyon, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang magiging maningning na korona ng mga nalabing hinirang.
6Siya ang papatnubay sa mga hukom upang maging makatarungan sa paghatol;
at magbibigay ng tapang at lakas
sa mga tagapagtanggol ng bayan laban sa mga kaaway.
Si Isaias at ang mga Lasenggong Propeta ng Juda
7Sumusuray na sa kalasingan
ang mga pari at mga propeta kaya sila'y nalilito.
Hindi na maunawaan ng mga propeta ang nakikita nilang pangitain;
at hindi na matuwid ang paghatol ng mga pari.
8Ang lahat ng mesa'y punô ng kanilang suka,
nakakapandiri ang buong paligid.
9Ganito ang sinasabi nila laban sa akin:
“Ano kaya ang palagay ng taong ito sa atin;
sino bang nais niyang turuan at pagpaliwanagan?
Ang sinabi niya'y para lamang sa mga batang musmos
na nangangailangan pa ng gatas.
10Sinong makikinig sa kanyang pamamaraan:
Isa-isang letra, isa-isang linya,
at isa-isang aralin!”
11Kaya#1 Cor. 14:2 1. naman magsasalita si Yahweh sa bayang ito
sa pamamagitan ng mga dayuhan, siya'y magtuturo.
12Ganito ang kanyang sasabihin:
“Narito ang tunay na kapahingahan para sa mga napapagal,”
ngunit hindi nila ito pinakinggan.
13Kaya ganito ang pagtuturo ni Yahweh sa kanila:
“Isa-isang letra, isa-isang linya,
at isa-isang aralin;”
at sa kanilang paglakad, sila'y mabubuwal,
mahuhulog sa bitag, masasaktan at mabibihag.
Isang Batong Saligan Para sa Zion
14Kaya't ngayon ay dinggin ninyo si Yahweh, kayong mga walang galang na pinuno,
na namamahala sa Lunsod ng Jerusalem.
15Sapagkat#Kar. 1:16; Ecc. 14:12. sinabi ninyo, “Nakipagkasundo na kami sa kamatayan,
gayundin sa daigdig ng mga patay.
Kaya hindi na kami mapapahamak
dumating man ang malagim na sakuna;
ginawa na naming kuta ang kasinungalingan,
at pandaraya ang aming kanlungan.”
16Ito#Awit 118:22-23; Ro. 9:33; 10:11; 1 Ped. 2:6. ngayon ang sinasabi ng Panginoong Yahweh:
“Naglalagay ako sa Zion ng batong-panulukan,
subok, mahalaga, at matatag na pundasyon;
‘Ang magtiwala rito'y hindi mapapahiya.’
17Gagawin kong panukat ang katarungan,
at pamantayan ang katuwiran;
wawasakin ng bagyo
at aanurin ng baha ang lahat ng silungan ng kasinungalingan.”
18Ang pakikipagkasundo mo sa kamatayan
at sa daigdig ng mga patay ay mawawalan ng bisa at masisira,
at kapag dumating ang baha,
lahat kayo'y matatangay.
19Araw-araw, sa umaga't gabi
ang bahang ito'y daraan at kayo'y tatangayin;
maghahasik ito ng sindak at takot
upang maunawaan ang mensahe nito.
20Sapagkat mangyayari sa inyo ang isinasaad ng kasabihan:
‘Maikli ang kamang inyong higaan,
at makitid ang kumot para sa katawan.’
21Sapagkat#2 Sam. 5:20; 1 Cro. 14:11; Jos. 10:10-12. tulad ng ginawa sa Bundok ng Perazim,
tatayo si Yahweh at ipadarama ang kanyang galit;
tulad din ng ginawa niya sa Libis ng Gibeon,
gagawin niya ang kanyang magustuhan kahit hindi siya maunawaan,
at tanging siya lang ang nakakaalam.
22Kaya huwag ka nang magyabang,
baka ang gapos mo ay lalong higpitan.
Sapagkat narinig ko na ang utos ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
na wasakin ang buong lupain.
Ang Karunungan ng Diyos
23Itong aking tinig ay iyong dinggin,
ang sinasabi ko'y iyong unawain.
24Ang nagsasaka ba'y lagi na lamang pag-aararo
at pagsusuyod ang gagawin sa kanyang bukid?
25Hindi ba't kung maihanda na ang lupa,
ito'y sinasabugan niya ng anis at linga?
Hindi ba tinatamnan niya ito ng trigo't sebada
at sa mga gilid naman ay espelta?
26Iyan ang tamang gawain
na itinuro ng Diyos sa tao.
27Ang anis at linga ay hindi ginagamitan
ng gulong o mabigat na panggiik.
Banayad lamang itong nililiglig o pinapalo.
28Dinudurog ba ang butil na ginagawang tinapay?
Hindi ito ginigiik nang walang tigil,
pinararaanan ito sa hinihilang kariton
ngunit hindi pinupulbos.
29Ang mensaheng ito'y mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
mahusay ang kanyang payo
at kahanga-hanga ang kanyang karunungan.
Kasalukuyang Napili:
Isaias 28: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society