Isaias 42
42
Ang Lingkod ni Yahweh
1Sinabi#Mt. 3:17; 17:5; Mc. 1:11; Lu. 3:22; 9:35. #Mt. 12:18-2 1. ni Yahweh,
“Narito ang lingkod ko na aking hinirang;
ang aking pinili at lubos na kinalulugdan;
ibinuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,
at siya ang magpapairal ng katarungan sa mga bansa.
2Hindi siya makikipagtalo o makikipagsigawan,
ni magtataas ng boses sa mga lansangan.
3Ang marupok na tambo'y hindi niya babaliin,
ilaw na aandap-andap hindi niya papatayin;
katarungan para sa lahat ang kanyang paiiralin.
4Hindi siya mawawalan ng pag-asa o masisiraan ng loob,
hangga't katarungan ay maghari sa daigdig;
ang malalayong lupain ay buong pananabik na maghihintay sa kanyang mga turo.”
5Ang#Gw. 17:24-25. Diyos na si Yahweh ang lumikha ng kalangitan,
nilikha rin niya ang lupa at nagbigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig,
kaya't sinabi ng Diyos na si Yahweh sa kanyang lingkod,
6“Akong#Isa. 49:6; Lu. 2:32; Gw. 13:47; 26:23. si Yahweh ang tumawag sa iyo sa katuwiran,
binigyan kita ng kapangyarihan upang pairalin ang katarungan sa daigdig.
Sa pamamagitan mo ay gagawa ako ng kasunduan sa lahat ng tao,
at sa pamamagitan mo'y dadalhin ko ang liwanag sa lahat ng bansa.
7Ikaw ang magbubukas sa mga mata ng mga bulag
at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.
8Ako si Yahweh; 'yan ang aking pangalan;
walang makakaangkin ng aking karangalan;
ang papuri'y sa akin, hindi sa diyus-diyosan.
9Ang mga dating pahayag ko ay natupad na.
Mga bagong bagay ang sasabihin ko ngayon bago pa mangyari ang mga ito.”
Awit ng Pagpupuri sa Diyos
10Umawit kayo ng isang bagong awit para kay Yahweh,
ang buong daigdig sa kanya ay magpuri!
Purihin ninyo siya, kayong mga naglalayag;
kayong lahat na nilalang sa karagatan!
Umawit kayong lahat na nasa malalayong kapuluan.
11Kayo ay magdiwang, kayong nasa disyerto, at sa mga bayan,
mga taga-Kedar, kayo ay magdiwang;
mga taga-Sela, kayo'y mag-awitan,
kayo ay umakyat sa tuktok ng bundok at kayo'y sumigaw sa kagalakan.
12Kayong nasa malalayong lupain,
purihin ninyo si Yahweh at parangalan.
13Siya ay lalabas, parang mandirigma na handang lumaban,
siya ay sisigaw bilang hudyat ng pagsalakay,
at ang kapangyarihan niya'y ipapakita sa mga kaaway.
Tutulungan ng Diyos ang Kanyang Bayan
14Sinabi ng Diyos,
“Mahabang panahon na ako'y nanahimik;
ngayo'y dumating na ang oras para ako ay kumilos.
Parang manganganak,
ako ay sisigaw sa tindi ng kirot.
15Ang mga bundok at burol ay aking gigibain,
malalanta ang mga damo at ang iba pang mga halaman;
ang mga ilog at lawa ay matutuyo,
at magiging disyerto.#15 disyerto: Sa ibang manuskrito'y baybaying-dagat.
16Aakayin ko ang mga bulag,
sa mga daang hindi nila nakikita.
Gagawing liwanag ang kadiliman sa harapan nila,
at papatagin ko ang mga daang baku-bako.
Ang lahat ng ito'y aking gagawin alang-alang sa kanila.
17Mabibigo at mapapahiya ang lahat ng kumikilala
at nagtitiwala sa mga diyus-diyosan.”
Hindi na Natuto ang Israel
18Sinabi ni Yahweh,
“Kayong mga bingi, ngayon ay makinig!
At kayong mga bulag naman ay magmasid!
19Mayroon bang mas bulag pa kaysa sa aking lingkod,
o mas bingi pa sa aking isinugo?
20Israel, napakarami mo nang nakita ngunit walang halaga sa iyo.
Mayroon kang tainga ngunit ano ang iyong napakinggan?”
21Isang Diyos na handang magligtas itong si Yahweh,
kaya ibinandila niya ang kanyang kautusan at mga tuntunin
upang sundin ng kanyang bayan.
22Ngunit ngayong sila'y pinagnakawan,
ikinulong sa bilangguan, at inalipin,
sa nangyaring ito'y wala man lang nagtanggol,
o kaya'y dumamay.
23Wala pa bang makikinig sa inyo?
Hindi pa ba kayo natututo para makinig na mabuti?
24Sino ang nagpahintulot na manakawan ang Israel?
Hindi ba si Yahweh na ating sinuway?
Hindi natin siya sinunod
sa halip, nilabag natin ang kanyang mga utos.
25Kaya ipinadama niya sa Israel ang kanyang galit,
at ipinalasap ang lupit ng digmaan.
Ang galit niya'y nag-aalab laban sa Israel,
halos matupok na tayo,
ngunit hindi pa rin tayo natuto.
Kasalukuyang Napili:
Isaias 42: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society