Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Santiago 2:14-26

Santiago 2:14-26 RTPV05

Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, may mabuti bang naidudulot sa kanya iyon? Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa. Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang kasamang gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, hindi ba? Mabuti iyan! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa. Isa kang hangal! Nais mo pa bang patunayan ko sa iyo na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kasamang gawa? Ang ating amang si Abraham ay kinalugdan ng Diyos dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac, hindi ba? Dito ay makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. Natupad ang sinasabi ng kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid,” at tinawag siyang “kaibigan ng Diyos.” Diyan ninyo makikita na itinuturing na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at di dahil sa kanyang pananampalataya lamang. Gayundin si Rahab, ang babaing bayaran; pinatuloy niya ang mga espiya ng Israel at itinuro pa sa kanila ang ibang daan upang sila'y makatakas. Dahil sa ginawa niyang iyon, siya'y tinanggap bilang matuwid. Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa.