Ito ang pahayag ni Yahweh kay Jere mias tungkol sa tagtuyot:
“Nananangis ang Juda, naghihingalo ang kanyang mga lunsod,
nakahandusay sa lupa ang mga tao dahil sa matinding kalungkutan,
at napapasaklolo ang Jerusalem.
Inutusan ng mayayaman ang kanilang mga alipin upang kumuha ng tubig;
nagpunta naman ang mga ito sa mga balon,
ngunit wala silang nakuhang tubig doon;
kaya nagbalik sila na walang laman ang mga banga.
Dahil sa kahihiyan at kabiguan
ay tinatakpan nila ang kanilang mukha,
sapagkat bitak-bitak na ang lupa.
Tuyung-tuyo na ang lupain dahil hindi umuulan,
nanlupaypay ang mga magbubukid,
kaya sila'y nagtalukbong na lang ng mukha.
Iniwan na ng inahing usa ang kanyang anak na bagong silang,
sapagkat wala ng sariwang damo sa parang.
Umakyat sa mga burol ang mga asnong maiilap,
humihingal na parang mga asong-gubat;
nanlalabo ang kanilang paningin
dahil sa kawalan ng pagkain.
Nagsumamo sa akin ang aking bayan:
‘Yahweh, bagaman inuusig kami ng aming mga kasalanan,
gayunman, kami'y tulungan mo gaya ng iyong pangako.
Tunay na maraming beses na kaming tumalikod;
kami ay nagkasala laban sa iyo.
Ikaw ang tanging pag-asa ng Israel,
ikaw lamang ang makakapagligtas sa amin sa panahon ng kagipitan.
Bakit para kang dayuhan sa aming bayan,
parang isang manlalakbay na nakikitulog lamang?
Bakit para kang isang taong nabigla,
parang kawal na walang tulong na magawâ?
Ngunit ang totoo, O Yahweh, kasama ka namin;
kami ay iyong bayan,
huwag mo kaming pabayaan.’”
Ang sabi ni Yahweh tungkol sa mga taong ito, “Ginusto nilang lumayo sa akin, at walang nakapigil sa kanila. Kaya naman hindi ako nalulugod sa kanila. Hindi ko malilimot ang masasama nilang gawa, at paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan.”
At sinabi sa akin ni Yahweh, “Huwag mong hilingin sa akin na tulungan ko ang mga taong ito. Kahit na sila'y mag-ayuno, magsunog ng mga handog at magdala ng handog na pagkaing butil, hindi ko diringgin ang kanilang panalangin at hindi ako malulugod sa kanila. Sa halip, pababayaan ko silang mamatay sa digmaan, sa matinding gutom, at sa sakit.”
Ang sabi ko naman, “Panginoong Yahweh, alam mong sinasabi ng mga propeta na hindi magkakaroon ng digmaan o taggutom, sapagkat iyong ipinangako na kapayapaan lamang ang mararanasan sa buong bayan.”