Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Jeremias 33:14-26

Jeremias 33:14-26 RTPV05

Sinabi ni Yahweh, “Tiyak na darating ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda. At sa panahong iyon, pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katuwiran sa buong lupain. Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila'y tatawagin sa pangalang ito: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’ Si David ay hindi mawawalan ng kahalili sa trono ng bayang Israel. At mula sa lahi ni Levi, hindi kukulangin ng pari na mag-aalay sa akin ng mga handog na susunugin, handog na pagkaing butil, at iba pang mga handog sa lahat ng panahon.” Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kung paanong hindi mababago ang batas na itinakda ko para sa araw at sa gabi, gayon din naman, hindi masisira ang aking pangako sa lingkod kong si David at sa mga Levita. Hindi mawawalan ng uupo sa trono mula sa kanyang lipi; hindi rin mauubos ang mga pari sa lahi ni Levi. Gaya ng hindi mabilang na bituin sa kalangitan at buhangin sa dagat, gayon ko pararamihin ang mga inapo ng aking lingkod na si David at ng mga Levitang naglilingkod sa akin.” Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Hindi mo ba napapansin na sinasabi ng mga tao, itinakwil ko raw ang dalawang angkang hinirang ko? Kaya hahamakin nila ang aking bayan at hindi na ituturing na isang bansa. Ngunit sinasabi ko naman: Kung paanong itinakda ko ang araw at gabi at ang tiyak na kaayusan sa langit at sa lupa, mananatili rin ang aking pangako sa lahi ni Jacob at sa lingkod kong si David. Magmumula sa angkan ni David ang hihirangin kong maghahari sa lahi nina Abraham, Isaac at Jacob. Ibabalik ko ang kanilang kayamanan at sila'y aking kahahabagan.”