Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Jeremias 39:7-18

Jeremias 39:7-18 RTPV05

Ipinadukit ang mga mata ni Zedekias, at pagkatapos ay ginapos ng kadena upang dalhin sa Babilonia. Sinunog din ng mga kaaway ang palasyo ng hari at ang mga bahay sa lunsod, at iginuho ang mga pader ng Jerusalem. Sa pangunguna ni Nebuzaradan, ang pinuno ng bantay, dinalang-bihag sa Babilonia ang mga taong nalabi sa lunsod, pati ang mga kumampi sa kanya. Ang tangi niyang iniwan sa lupain ng Juda ay ang mahihirap na taong walang anumang ari-arian; binigyan pa niya sila ng mga ubasan at bukirin. Iniutos ni Haring Nebucadnezar kay Nebuzaradan, “Kunin mo si Jeremias at alagaang mabuti. Huwag mo siyang sasaktan at sundin mo ang kanyang kahilingan.” Kaya isinama ni Nebuzaradan ang matataas na pinunong sina Nebuzazban, Nergal-sarezer, at lahat ng iba pang pinuno ng hari sa Babilonia. Kinuha nila si Jeremias mula sa himpilan ng bantay at ipinagkatiwala kay Gedalias, anak ni Ahicam na anak naman ni Safan. Doon siya tumira, kasama ng sarili niyang mga kababayan. Samantalang nasa himpilan ng bantay si Jeremias, sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pumunta ka kay Ebed-melec na taga-Etiopia at sabihin mo: Ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Matutupad na ngayon ang lahat ng sinabi kong pagkawasak laban sa lunsod na ito. Makikita mo ang kapahamakang aking ibinabala sa takdang araw. Subalit ililigtas kita sa araw na iyon, at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga taong kinatatakutan mo. Ikaw ay tiyak na ililigtas ko at hindi mapapatay ng mga kalaban. Mabubuhay ka sapagkat nanalig ka sa akin.”