Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 13:4-15

Juan 13:4-15 RTPV05

Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang. Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. Sabi niya, “Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng aking mga paa?” Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.” Muling nagsalita si Pedro, “Hinding-hindi ko pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Malibang hugasan kita, wala kang bahagi sa akin.” Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, “Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!” Sumagot si Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat.” Dahil kilala ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat. Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa hapag. Siya'y nangusap sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga iyon. Dahil akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin ito sa isa't isa. Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Juan 13:4-15