Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 14:15-31

Juan 14:15-31 RTPV05

“Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo. Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili sa inyo. “Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng mundong ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo. “Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.” Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?” Sumagot si Jesus, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y tatahan at mananatili sa kanya. Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin. “Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito habang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Tagapagtanggol, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo. “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot. Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako'y aalis, ngunit ako'y babalik.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari, upang kung mangyari na ay manalig kayo sa akin. Hindi na magtatagal ang pagtuturo ko sa inyo dahil dumarating na ang pinuno ng mundong ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin. Gayon pa man ipinahintulot ito upang malaman ng mundong ito na iniibig ko ang Ama at ang ginagawa ko'y ang iniutos niya sa akin. Tayo na! Lumakad na tayo!”