Job 1
1
Sinubok ni Satanas si Job
1May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na nagngangalang Job. Siya'y isang mabuting tao, sumasamba sa Diyos at umiiwas sa masamang gawain. 2Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 3Marami siyang tagapaglingkod at siya ang pinakamayaman sa buong silangan. Pitong libo ang kanyang tupa, tatlong libo ang kamelyo, sanlibo ang baka at limandaan ang asno. 4Nakaugalian na ng kanyang mga anak na lalaki na hali-haliling magdaos ng handaan sa kani-kanilang bahay at inaanyayahan nila ang mga kapatid nilang babae. 5Tuwing matatapos ang ganoong handaan, ipinapatawag ni Job ang kanyang mga anak para sa isang rituwal. Maagang bumabangon si Job kinabukasan upang mag-alay sa Diyos ng handog na sinusunog para sa kanyang mga anak dahil baka lihim na nilalapastangan ng mga ito ang Diyos at sila'y magkasala.
6Dumating#Gen. 6:2. ang araw na ang mga anak ng Diyos#6 mga anak ng Diyos: o kaya'y mga nilalang mula sa langit. ay humarap kay Yahweh at naroon din si Satanas.#6 SATANAS: o kaya'y ang Tagapagparatang. 7Tinanong ni Yahweh si Satanas,#7 SATANAS: o kaya'y ang Tagapagparatang. “Ano ba'ng pinagkakaabalahan mo ngayon?”
“Nagpapabalik-balik ako sa lahat ng sulok ng daigdig,” sagot ni Satanas.#7 SATANAS: o kaya'y ang Tagapagparatang.
8“Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain,” dugtong pa ni Yahweh.
9Sumagot#Pah. 12:10. si Satanas,#9 SATANAS: o kaya'y ang Tagapagparatang. “Sasambahin pa kaya kayo ni Job kung wala na siyang nakukuha mula sa inyo? 10Inaalagaan ninyo siya, ang kanyang pamilya at ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala ninyo ang lahat ng kanyang gawin, at halos punuin ninyo ng kanyang kayamanan ang buong lupain. 11Subukan ninyong alisin ang lahat-lahat sa buhay niya at harap-harapan niya kayong susumpain.”
12Sinabi ni Yahweh kay Satanas,#12 SATANAS: o kaya'y ang Tagapagparatang. “Kung gayon, gawin mo nang lahat ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang sasaktan.” At umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh.
Nalipol ang mga Anak ni Job at Naubos ang Kanyang Kayamanan
13Isang araw, nagkakainan at nag-iinuman ang mga anak ni Job sa bahay ng kanilang panganay na kapatid na lalaki. 14Walang anu-ano'y dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming pinang-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno, 15nang may dumating na mga Sabeo.#15 mga Sabeo: Lipi ng mandarambong na mula sa katimugan. Kinuha po nila ang mga baka at mga asno at pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”
16Hindi pa ito nakakatapos sa pagbabalita nang may dumating na namang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Tinamaan po ng kidlat ang mga tupa at mga pastol at namatay lahat; ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo.”
17Hindi pa ito halos tapos magsalita nang may isa na namang dumating. Ang sabi nito, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo.#17 mga Caldeo: Lipi ng mandarambong na mula sa hilaga, sa bahagi ng Babilonia. Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”
18Hindi pa rin ito halos tapos magsalita nang may dumating na namang isa at nagsabi, “Habang ang mga anak po ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng panganay nilang kapatid, 19hinampas po ng napakalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po sila at namatay lahat. Ako lang po ang natirang buháy upang magbalita sa inyo.”
20Tumayo si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya at sumamba sa Diyos. 21Ang#Ecc. 40:1; 11:14. sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!”
22Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi niya sinisi ang Diyos, kaya't hindi siya nagkasala laban sa kanya.
Kasalukuyang Napili:
Job 1: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society