Job 11
11
Ang Sagot ni Zofar kay Job
1Sumagot naman si Zofar na isang Naamita,
2“Palalampasin na lang ba ang napakarami mong sinabi?
Tama ba ang isang tao kapag ito ay maraming salita?
3Akala mo ba'y di masasagot ang mga sinabi mo,
at sa iyong pangungutya, kami'y di na makapagsasalita?
4Ipinipilit mong tama ang iyong paniniwala,
at sa harap ng Diyos ika'y malinis na lubos.
5Magsalita sana ang Diyos upang ika'y masagot.
6Upang masabi sa iyo ang mga lihim ng karunungan,
sapagkat napakalalim ng kanyang kaalaman,
parusa nga niya sa iyo'y mas maliit kaysa iyong kasalanan.
7“Masusukat mo ba ang kapangyarihan ng Diyos?
Kanyang kadakilaan, iyo bang maaabot?
8Higit itong mataas kaysa kalangitan,
at mas malalim kaysa daigdig ng mga patay.
9Malawak pa iyon kaysa sanlibutan,
higit na malaki kaysa karagatan.
10Kung dakpin ka ng Diyos at iharap sa hukuman,
mayroon bang sa kanya'y makakahadlang?
11Kilala ng Diyos ang taong walang kabuluhan,
kitang-kita niya ang kanilang kasamaan.
12Ang hangal ay maaaring tumalino
kung ang mailap na asno ay ipinanganak nang maamo.
13“Ang iyong puso, Job, sa Diyos mo isuko at sa kanya iabot ang mga kamay mo.
14Alisin mo ang kasalanan sa iyong mga kamay, linisin mo sa kasamaan ang iyong tahanan.
15At taas noo kang haharap sa sanlibutan, matatag ang loob, walang kinatatakutan.
16Mga pagdurusa mo ay malilimutan,
para lamang itong bahang nagdaan.
17Magliliwanag ang iyong buhay, higit pa sa sikat ng araw,
ang buhay mong nagdilim ay magbubukang-liwayway.
18Papanatag ang buhay mo at mapupuno ng pag-asa;
iingatan ka ng Diyos, at bibigyan ng pahinga.
19Wala kang kaaway na katatakutan;
maraming lalapit sa iyo upang humingi ng tulong.
20Ngunit ang masama, kabiguan ang madarama,
walang kaligtasan kahit saan sila magpunta,
at kamatayan lamang ang kanilang pag-asa.”
Kasalukuyang Napili:
Job 11: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society