Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 33:1-30

Job 33:1-30 RTPV05

“At ngayon, Job, makinig ka sa aking sasabihin, at mga salita ko'y bigyan mo ng pansin. Sasabihin ko na ang laman ng aking isipan, lahat ng ilalahad ko ay pawang katapatan, lahat ng ihahayag ay pawang katotohanan. Ang Espiritu ng Diyos ang gumawa sa akin, buhay na taglay ko ay sa Makapangyarihang Diyos nanggaling. “Kung kaya mo'y sagutin mo itong aking sasabihin, ang iyong mga katuwiran ay ihanda mo na rin. Ikaw at ako'y iisa sa harap ng Diyos natin, parehong sa putik tayo nanggaling. Kaya sa aki'y wala kang dapat alalahanin, huwag mong isiping ika'y aking gagapiin. “Ito ang narinig kong sinabi mo: ‘Ako'y malinis at walang nagawang kasalanan, ako'y walang sala at walang kasamaan. Gumagawa lamang ang Diyos ng dahilan upang ako'y parusahan, at itinuturing niya akong isang kaaway. Mga paa ko ay kanyang iginapos, at binabantayan ang aking mga kilos.’ “Ngunit ang sagot ko nama'y nagkakamali ka, Job, sapagkat sa sinumang tao ay mas dakila ang Diyos. Bakit ang Diyos ay iyong pinagbibintangan na di marunong makinig sa iyong karaingan? Magsalita man siya sa iba't ibang paraan, hindi pa rin natin ito lubos na mauunawaan. Nagsasalita siya sa panaginip at pangitain, sa kalaliman ng gabi, kapag ang tao'y nahihimbing. Ipinapaunawa niya ang kanyang saloobin, nagbibigay ng babala sa kanilang pangitain. Nagsasalita ang Diyos upang sila ay pigilan sa paggawa ng masama at sa kapalaluan. Hindi nais ng Diyos na sila'y mamatay kaya sila'y iniligtas niya mula sa hukay. Pinadadalhan niya ang tao ng iba't ibang sakit, upang sa pamamagitan ng kirot ang tao'y maituwid. Ang taong may sakit ay walang panlasa, masarap man ang pagkain, wala pa ring gana. Nauubos ang kanyang laman, natitira'y buto't balat na lamang. At parang handang handa nang pumunta sa daigdig ng mga patay. “O baka siya'y tulungan ng isa sa libong mga anghel, na nagpapaalala sa tao ng kanyang mga tungkulin. Maaaring itong anghel na puspos ng kahabagan, ay magsabi ng ganito: ‘Siya ay pawalan, hindi siya dapat humantong sa libingan, narito ang bayad para sa kanyang kalayaan.’ Siya ay gagaling, muling sisigla; tataglayin muli ang lakas noong kabataan niya. Mananalangin siya sa Diyos at siya'y papakinggan. Ang pagsamba niya'y mapupuno ng kasiyahan, muli siyang ilalagay ng Diyos sa mabuting katayuan. Sasabihin niya sa madla, ‘Sa Diyos ako'y nagkasala, walang matuwid na nagawa subalit pinatawad niya.’ Hindi niya itinulot na ako'y mamatay, magpahanggang ngayon ako'y nabubuhay. Hindi lang minsan na ito'y ginawa ng Diyos, na iligtas ang tao sa kanyang pagkakalugmok, at ang buhay nito'y punuin ng lugod.