Mga Panaghoy 5
5
Dalanging Paghingi ng Awa
1Gunitain mo, Yahweh, ang nangyari sa amin;
masdan mo ang sinapit naming kahihiyan!
2Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan,
at ang aming mga tahanan nama'y ipinagkaloob sa mga taga-ibang bayan.
3Ang aming mga ama'y pinatay ng mga kaaway;
kaya't aming mga ina, wala nang kaagapay.
4Kailangang bayaran namin ang tubig na iinumin,
pati ang panggatong ay binibili na rin.
5Pinagtrabaho kaming parang mga hayop,
hindi man lamang pinagpapahinga.
6Para lang magkaroon ng sapat na pagkain,
nakipagkasundo kami sa Egipto at Asiria.
7Nagkasala nga ang aming mga ninuno,
at dahil sa kanila kami ay nagdurusa.
8Mga alipin ang namamahala sa amin;
walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay.
9Sa paghahanap ng pagkain, nanganganib ang aming buhay,
sapagkat naglipana ang aming mga kaaway.
10Dahil sa matinding gutom, nag-aapoy ang aming katawan,
para kaming nakalagay sa mainit na pugon.
11Ang aming mga asawa ay ginahasa sa Zion,
ang mga dalaga nama'y pinagsasamantalahan sa mga bayan ng Juda.
12Ginagapos at ibinibitin ang mga pinuno;
at ang matatanda ay hindi na nirespeto.
13Ang mga kabataang lalaki'y pinagtatrabahong parang alipin;
nakukuba sa bigat ng pasan nilang kahoy ang mga batang lalaki.
14Ayaw nang magpulong ang matatanda ng bayan,
ayaw nang tumugtog ng mga kabataan.
15Naparam ang kagalakan sa aming puso;
ang aming pagsasaya ay naging pagluluksa.
16Walang natira sa aming ipinagmamalaki;
“tayo'y nagkasala kaya tayo'y nagdurusa!”
17Nanlupaypay kami,
at nagdilim ang aming paningin,
18pagkat iniwan ng tao ang Bundok ng Zion,
mga asong-gubat na lang ang naninirahan doon.
19Ngunit ikaw, O Yahweh, ang hari magpakailanman,
ang iyong luklukan ay walang katapusan.
20Kay tagal mo kaming pinabayaan.
Kailan mo kami aalalahaning muli?
21Ibalik mo kami, O Yahweh,
sa dati naming kaugnayan sa iyo!
22Talaga bang itinakwil mo na kami?
Sukdulan na bang talaga ang galit mo sa amin?
Kasalukuyang Napili:
Mga Panaghoy 5: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society