Noong panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio buhat sa grupo ni Abias na ang pangala'y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elisabet ay mula rin sa angkan ni Aaron. Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon. Wala silang anak dahil baog si Elisabet at kapwa sila matanda na.
Isang araw, nanunungkulan ang pangkat ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari. Nang sila'y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso, habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin. Doon ay nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ito sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso. Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito. Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata. Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang sapagkat siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. Mauuna siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin sa daang matuwid ang mga suwail. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.”
Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko pong matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa.”
Sumagot ang anghel, “Ako'y si Gabriel na naglilingkod sa Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito. Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.”
Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo. Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi.
Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan. Sinabi ni Elisabet, “Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang sanhi ng aking kahihiyan sa harap ng mga tao!”
Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”
Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan.”
“Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria.
Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos.