Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang unang sensus na ito ay ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. Kaya't umuwi ang bawat isa sa sari-sariling bayan upang magpatala. Mula sa Nazaret, isang lunsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay kabuwanan na. Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan. Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. Lumapit at tumayo sa kalagitnaan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang nakakasilaw na kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.” Bigla nilang nakitang kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit, “Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!” Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” Nagmamadali silang pumaroon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Isinalaysay ng mga pastol ang sinabi ng anghel tungkol sa sanggol. Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.
Basahin Lucas 2
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Lucas 2:1-20
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas