Tumayo ang buong Sanedrin at dinala si Jesus kay Pilato. Siya ay pinaratangan nila ng ganito, “Napatunayan po namin na sinusulsulan ng taong ito ang aming mga kababayan upang maghimagsik. Ang mga tao ay pinagbabawalan niyang magbayad ng buwis sa Emperador at nagpapanggap pa siyang siya raw ang Cristo, na siya ay isang hari.”
Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”
“Ikaw na ang may sabi,” tugon ni Jesus.
Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”
Ngunit mapilit sila at sinasabing, “Sa pamamagitan ng kanyang mga katuruan ay inuudyukan niyang maghimagsik ang mga taga-Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo'y narito na.”
Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung si Jesus ay taga-Galilea nga. At nang malaman niyang si Jesus ay sakop ni Haring Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nagkataon namang nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus. Matagal na niyang ibig makita ito sapagkat marami siyang nababalitaan tungkol dito. Umaasa si Herodes na gagawa si Jesus ng ilang himala, at nais niyang makita iyon. Marami siyang itinanong kay Jesus, ngunit hindi ito sumagot kahit minsan.
Samantala, ang mga punong pari naman at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay nakatayo doon at walang tigil ng kapaparatang kay Jesus. Dahil dito, siya'y hinamak at tinuya ni Herodes at ng mga kawal nito. Siya ay dinamitan nila ng mamahaling damit, at ipinabalik siya kay Pilato. At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati'y magkagalit.
Ipinatawag ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao. Sinabi niya sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga taong bayan na maghimagsik. Siniyasat ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. Gayundin si Herodes, kaya ipinabalik niya sa atin si Jesus. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan; wala siyang kasalanan. Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay aking palalayain.”
Subalit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barabbas!” Si Barabbas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik na pinangunahan nito sa lunsod, at dahil na rin sa salang pagpatay.
Sa pagnanais na mapalaya si Jesus, minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!”
Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya'y hatulan ng kamatayan. Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay palalayain.”
Ngunit lalo nilang ipinagsigawan na si Jesus ay dapat ipako sa krus. Napakalakas ng kanilang sigaw kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. Pinalaya niya ang taong nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, at ibinigay niya si Jesus sa kanila upang gawin ang kanilang kagustuhan.
Si Jesus ay dinala ng mga kawal. Nasalubong nila sa daan si Simon na taga-Cirene na noon ay galing sa bukid. Pinigil nila ito at ipinapasan dito ang krus habang pinapasunod kay Jesus.
Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya. Nilingon sila ni Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Tabunan ninyo kami!’ at sa mga burol, ‘Itago ninyo kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin kapag ito'y tuyo na?”
May dalawa pang kriminal na inilabas ng mga kawal upang pataying kasama ni Jesus. Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [Sinabi…ginagawa: Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”]
Pinaghati-hatian ng mga kawal ang damit ni Jesus. Sila'y nagpalabunutan upang malaman kung kani-kanino mapupunta ang bawat kasuotan niya. Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!”
Nilait din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”
Isinulat nila sa kanyang ulunan, “Ito ang Hari ng mga Judio.”
Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”
Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”
Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”
Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng Templo'y napunit sa gitna. Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.
Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, siya'y nagpuri sa Diyos na sinasabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!”
Maraming tao ang nagkakatipon doon at nanonood. Nang makita nila ang mga nangyari, umuwi silang lungkot na lungkot. Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kasamahan ni Jesus, pati ang mga babaing sumama sa kanya mula sa Galilea. Nakita rin nila ang mga pangyayaring ito.