Natutupad nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi,
‘Makinig man kayo nang makinig subalit hindi ninyo mauunawaan kailanman,
at tumingin man kayo nang tumingin subalit hindi rin kayo makakakita kailanman.
Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito;
mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata,
kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata,
nakarinig ang kanilang mga tainga,
nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sila sa akin,
at pinagaling ko sila.’
“Subalit mapalad kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”
“Pakinggan ninyo ang kahulugan ng talinhaga tungkol sa manghahasik. Kapag ang isang tao ay dumirinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan.
“Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong dumirinig ng mensahe. Kaagad at masaya niya itong tinanggap ngunit hindi tumimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nanatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya.
“Ang binhi namang nahulog sa may damuhang matinik na halaman ay naglalarawan ng mga taong dumirinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, ang mensahe ay nawalan ng puwang sa kanilang puso at ito ay hindi nagkaroon ng bunga sa taong iyon.
“At ang katulad naman ng binhing napahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”
Nagsalaysay muli si Jesus sa kanila ng isa pang talinhaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway, naghasik ng mapanirang damo sa triguhan at saka umalis. Nang tumubo at magbunga ang trigo, lumitaw din ang mapanirang damo. Kaya't pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong, ‘Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga damo?’ ‘Huwag, baka mabunot pati ang mga trigo,’ sagot niya. ‘Hayaan na lamang ninyong lumago kapwa ang damo at ang trigo hanggang sa anihan. Pag-aani'y sasabihin ko sa mga tagapag-ani, ipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin at saka sunugin. Pagkatapos, ipunin naman ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”
Sa pagpapatuloy, isa pang talinhaga ang isinalaysay ni Jesus sa kanila. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit pagtubo nito, ito'y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya't nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”
Nagsalaysay pa si Jesus ng ibang talinhaga. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong bakol na harina, kaya't umalsa ang minasang harina.”
Ang lahat ng ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga, at wala siyang itinuro sa kanila nang hindi sa pamamagitan ng talinhaga. Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta:
“Magsasalita ako sa pamamagitan ng mga talinhaga,
ihahayag ko ang mga bagay na nalilihim mula pa nang likhain ang daigdig.”
Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag nga po ninyo sa amin ang talinhaga tungkol sa mapanirang damong tumubo sa bukid.” Sumagot si Jesus, “Ang naghahasik ng mabubuting binhi ay ang Anak ng Tao, ang bukid ay ang daigdig, ang mabuting binhi ay ang mga taong kabilang sa kaharian at ang mapanirang damo naman ay ang mga kabilang sa Masama. Ang kaaway na naghasik ng damo ay walang iba kundi ang diyablo. Ang panahon ng pag-aani ay ang katapusan ng daigdig at ang mga tagapag-ani naman ay ang mga anghel. Kung paanong ang mga damo ay tinitipon at sinusunog, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Ipag-uutos ng Anak ng Tao sa kanyang mga anghel na tipunin nila mula sa kanyang kaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama. Ihahagis nila ang mga ito sa lumalagablab na pugon at doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. Ngunit ang mga gumagawa ng matuwid ay magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may pandinig!”
“Ang kaharian ng langit ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao ngunit agad itong tinabunan. Tuwang-tuwa siyang umalis at ibinenta ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon.”
“Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng mga mamahaling perlas. Nang makakita siya ng isang perlas na napakahalaga, umuwi siya't ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.”
“Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”
“Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Jesus. “Opo,” sagot nila. At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na kumikilala sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan.”
Umalis si Jesus mula roon matapos niyang isalaysay ang mga talinhagang ito.