Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 14:32-72

Marcos 14:32-72 RTPV05

Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” At isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko'y labis na nalulungkot at halos ako'y mamatay na! Maghintay kayo rito at magbantay.” Lumayo siya nang kaunti, at pagkatapos ay nagpatirapa upang manalangin na kung maaari'y huwag nang sumapit sa kanya ang oras ng paghihirap. Nanalangin siya, “Ama ko, Ama ko! Magagawa mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang paghihirap na ito, ngunit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.” Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka ba, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lamang? Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.” Muling lumayo si Jesus upang manalangin at inulit niya ang kanyang kahilingan. Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad, at sila'y naratnan niyang natutulog dahil sila'y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang isasagot sa kanya. Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, sapagkat dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao'y ibigay sa kamay ng mga makasalanan. Magsitayo kayo! Narito na ang magtataksil sa akin.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may mga dalang tabak at pamalo. Sila'y isinugo ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng bayan. Bago pa man dumating, ibinigay ni Judas ang isang hudyat, “Kung sino ang hahalikan ko, iyon ang inyong hinahanap. Dakpin ninyo siya at huwag pabayaang makatakas.” Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Jesus. “Guro!” ang bati niya, at ito'y kanyang hinalikan. Agad ngang sinunggaban at dinakip ng mga tao si Jesus. Nagbunot ng tabak ang isa sa mga alagad at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon. Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may dalang tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!” Tumakas ang lahat ng mga alagad at iniwan siya. Sinundan si Jesus ng isang binatang walang damit maliban sa balabal niyang lino. Sinunggaban ito ng mga tao ngunit iniwan niya ang kanyang balabal at tumakas na hubad. Dinala nila si Jesus sa bahay ng pinakapunong pari na kung saan ay nagkakatipon na doon ang lahat ng mga punong pari, mga pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan. Si Pedro'y sumunod kay Jesus, ngunit malayo ang agwat niya kay Jesus. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng pinakapunong pari at naupo upang magpainit sa tabi ng apoy. Katabi niya roon ang mga bantay. Ang mga punong pari at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng maipaparatang kay Jesus upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang makita. Marami ngang saksi ang nagsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi naman nagkakaisa ang kanilang mga patotoo. May ilang sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, “Narinig naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang Templong ito na gawa ng tao at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’” Ngunit hindi pa rin nagkaisa ang kanilang mga patotoo. Tumayo ang pinakapunong pari sa harap ng kapulungan at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang nila sa iyo?” Ngunit hindi umimik si Jesus at hindi sumagot ng anuman. Muli siyang tinanong ng pinakapunong pari, “Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Mapagpalang Diyos?” Sumagot si Jesus, “Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan sa lahat. Makikita rin ninyo siyang dumarating na nasa alapaap ng kalangitan.” Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang kasuotan at sinabi, “Hindi na natin kailangan pa ng mga saksi! Narinig ninyo ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang inyong desisyon?” At nagkaisa silang lahat na hatulan siya ng kamatayan. At siya'y sinimulan nilang pahirapan; dinuraan siya ng ilan, piniringan at pinagsusuntok. “Hulaan mo nga, sino ang sumuntok sa iyo?” sabi nila. At siya'y binugbog ng mga bantay. Samantala, si Pedro naman ay nasa patyo sa ibaba nang lumapit ang isang babaing katulong ng pinakapunong pari. Nakita nito si Pedro na nagpapainit sa apoy, pinagmasdang mabuti at pagkatapos ay sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret!” Ngunit nagkaila si Pedro, “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo.” Umalis siya at nagpunta sa labasan at tumilaok ang manok. Nakita na naman siya ng babaing katulong at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila!” At muling nagkaila si Pedro. Makalipas ang ilang sandali, sinabi kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Talagang isa ka nga sa kanila. Taga-Galilea ka rin, hindi ba?” “Mamatay man ako, talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan!” sagot ni Pedro. Siya namang pagtilaok muli ng manok. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok nang makalawa, tatlong beses mo akong ikakaila.” Nanlumo siya at nanangis.