Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban. Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang pagtutol at pagtatalo, upang kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng mga taong mapanlinlang at mga masasama. Sa gayon, magsisilbi kayong ilaw sa kanila, tulad ng bituing nagniningning sa kalangitan, habang ibinabalita ninyo sa kanila ang mensahe na nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa araw ng pagdating ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang aking mga pagpapagal sa inyo. Kung ang buhay ko ma'y maging handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan. Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko agad riyan si Timoteo upang mapanatag ang aking loob kapag aking malaman mula sa kanya ang inyong kalagayan. Wala nang hihigit sa kanya sa pakikiisa sa aking damdamin at pagmamalasakit para sa inyong kapakanan. Ang inaatupag lamang ng iba ay ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. Kayo na rin ang nakakaalam sa katapatan ni Timoteo. Kasama ko siya sa pangangaral ng Magandang Balita. Tinulungan niya ako tulad ng pagtulong ng isang anak sa kanyang ama. Kaya, binabalak kong papuntahin siya riyan pagkatapos kong matiyak ang magiging kalagayan ko rito. Subalit ako'y umaasa, sa tulong ng Panginoon, na ako rin ay makakapunta riyan sa lalong madaling panahon. Inisip kong kailangan nang pauwiin diyan ang ating kapatid na si Epafrodito, na aking kamanggagawa at kapwa kawal ng Diyos na isinugo ninyo upang magdala ng inyong kaloob, at upang makatulong rin dito. Sabik na sabik na siya sa inyong lahat. Nag-aalala siya dahil sa nabalitaan ninyong nagkasakit siya.
Basahin Mga Taga-Filipos 2
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mga Taga-Filipos 2:12-26
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas