Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Mga Awit 119:129-176

Mga Awit 119:129-176 RTPV05

Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo; lahat aking iingata't susundin nang buong puso. Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw, nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan. Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan, na matamo yaong aking minimithing kautusan. Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingapin, at sa mga taong tapat, itulad mo ang pagtingin. Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay. Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin, iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin. Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain, at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin. Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha, dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira. (Tsade) Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal, matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan. Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin, sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin. Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab, pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak. Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis, kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig. Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil, gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin. Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas, katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas. Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin, ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw. Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan, bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay. (Qof) Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod; ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos. Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing, iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin. Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag, sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak. Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising, at ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin. Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig, iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid. Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig, mga taong walang galang sa utos mong sakdal tuwid. Ngunit ikaw, O Yahweh, ay malapit sa piling ko, ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo. Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos, ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos. (Resh) Ang taglay kong paghihirap ay masdan mo at lunasan, pagkat aking sinusunod ang banal mong kautusan. Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay tubusin, dahil iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin. Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas, dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap. Sa iyong habag, O Yahweh, ay wala nang makapantay, kaya ako ay iligtas, ayon sa iyong kapasyahan. Kay rami ng kaaway ko, at mga mapang-alipin, ngunit ang iyong kautusan ay patuloy kong susundin. Nagdaramdam akong labis kapag aking namamasdan, yaong mga taong taksil na laban sa kautusan. Nalalaman mo, O Yahweh, mahal ko ang iyong utos, iligtas mo ako ayon sa pag-ibig mong taos. Ang buod ng kautusa'y batay sa katotohanan, ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan. (Shin) Mga taong namumuno na kulang sa katarungan, usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral. Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay, katulad ko ay taong nakatuklas noong yaman. Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam, ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan. Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat, sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad. Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay, matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal. Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas, ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad. Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral, buong pusong iniibig ang buo mong kautusan. Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral, ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan. (Taw) O Yahweh, tanggapin mo ang daing ko na tulungan, at ayon sa pangako mo, pang-unawa ako'y bigyan. Hayaan ang dalangin ko ay dumating sa iyo, O Diyos, sang-ayon sa pangako mo, iligtas ang iyong lingkod. Ako'y laging magpupuri, lagi kitang pupurihin, pagkat ako'y tinuruan ng aral mo at tuntunin. Dahilan sa pangako mo, ako ngayon ay aawit, sapagkat ang iyong utos ay marapat at matuwid. Humanda ka sa pagtulong, ito'y aking kailangan, sapagkat ang susundin ko'y ang utos mong ibinigay. Nasasabik ako, Yahweh, sa pangakong pagliligtas, natamo ko sa utos mo, ang ligaya at ang galak. Upang ako ay magpuri, ako'y bigyan mo ng buhay, matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral. Para akong isang tupa na nawala at nawalay, hanapin mo ang lingkod mo, ako ngayon ay lapitan, pagkat ako ay sumunod sa lahat mong kautusan.