Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Mga Awit 119:41-80

Mga Awit 119:41-80 RTPV05

Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo, ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako; upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko, yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo. Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan, pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan. Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan, susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay. Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya, yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa. At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin, hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin. Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis, di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig. Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang, sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay. (Zayin) Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain, pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin. Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw, pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin. Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog, ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos. Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw, ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan. Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko, yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo. Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan, ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan. Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim, Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin. Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan, kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan. (Kheth) Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay, kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan. Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling, sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin. Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat, ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas. Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam, sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan. Mga taong masasama kahit ako ay gapusin, ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin. Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi, sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri. Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod, mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod. Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan, ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan. (Tet) Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan, kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal. Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman, yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay. Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot, nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod; kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob; sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos. Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan, ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral. Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa, ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa. Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot, pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos. Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan, ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan. (Yod) Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan; bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman. Ang sa iyo'y natatakot, kapag ako ay nakita, matutuwa sa lingkod mong sa iyo ay umaasa. Nababatid ko, O Yahweh, matuwid ang iyong batas, kahit ako'y pagdusahin, nananatili kang tapat. Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos, katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod. Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay, ang lubos kong kasiyaha'y nasa iyong kautusan. Ang hambog na naninira sa lingkod mo ay hiyain, sa aral mo ako nama'y magbubulay na taimtim. Sa akin ay magsilapit ang sa iyo ay may takot, maging yaong mga tao na alam ang iyong utos. Sana'y lubos kong masunod ang buo mong kautusan, upang hindi mapahiya't tamuhin ko ang tagumpay. (Kap)