Mga Awit 12
12
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Sheminit.#SHEMINIT: Ang kahulugan ng salitang ito'y maaaring tumutukoy sa isang uri ng instrumentong may walong kuwerdas.
1O Yahweh, kami sana'y iligtas mo! Pagkat wala na ngayong mabuting tao,
wala nang taong tapat at totoo.
2Nagsisinungaling silang lahat sa isa't isa,
nagkukunwari at nagdadayaan sila.
3Patigilin mo, Yahweh, ang madaldal na dila,
at sarhan ang bibig ng hambog magsalita;
4silang laging nagsasabi,
“Kami'y magsasalita ng nais namin;
at sa gusto nami'y walang makakapigil!”
5“Darating na ako,” sabi ni Yahweh,
“Upang saklolohan ang mga inaapi.
Sa pinag-uusig na walang magkupkop,
hangad nilang tulong ay ipagkakaloob!”
6Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan,
ang katulad nila'y pilak na lantay;
tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay.
7Kami, Yahweh, ay lagi mong ingatan,
sa ganitong mga tao ay huwag pabayaan;
8Ang masasamang tao'y nasa lahat ng lugar,
ang mga gawang liko ay ikinararangal!
Kasalukuyang Napili:
Mga Awit 12: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society