Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 44

44
Panalangin Upang Iligtas
Isang Maskil#MASKIL: Tingnan ang Awit 32. ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
1Ang gawa mo noong una dakilang mga bagay,
narinig po namin, O Diyos, sa ninuno naming mahal;
2Pinalayas mo ang Hentil sa sarili nilang bayan,
at ang mga hinirang mo ang siya mong inilagay;
sila'y iyong pinagpala't pinaunlad yaong buhay,
samantalang iyong iba ay parusa ang nakamtan,
3hindi sila ang gumapi sa lupain na minana,
hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila;
hindi tabak ang ginamit, ni ginamit na sandata,
kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama;
oo, ito'y ginawa mo pagkat mahal mo nga sila.
4O Diyos, ikaw ang hari ko na nagbigay ng tagumpay,
pagwawagi'y kaloob mo sa bayang iyong hinirang.
5Dahilan sa iyong lakas, talo namin ang kaaway,
pagkat ikaw ang kasama, kaya sila napipilan.
6Palaso ko, aking tabak, hindi ko rin inasahan,
upang itong kaaway ko ay magapi
sa labanan.
7Ngunit ikaw ang nanguna kaya kami nagtagumpay,
sa sinumang namumuhing malulupit na kaaway.
8Kaya naman, ikaw, O Diyos, lagi naming pupurihin;
sa papuri't pasalamat ika'y aming tatanghalin. (Selah)#8 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
9Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami
ay nalupig,
hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
10Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
11Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
12Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.
13Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.
14Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
15At lagi kong alaala mapait na karanasan,
aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.
16Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.
17Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
18Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
19Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.
20Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
21ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
22Dahil#Ro. 8:36. po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.
23Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.
24Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.
25Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
26Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,
dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!

Kasalukuyang Napili:

Mga Awit 44: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in