Mga Awit 74
74
Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa
Isang Maskil#MASKIL: Tingnan ang Awit 32. ni Asaf.
1Panginoon bakit kami'y itinakwil habang buhay?
Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
2Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
pati ang Zion na iyong dating tirahan.
3Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.
4Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
5Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
6Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
7Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
8Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.
9Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.
12Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13Sa#Exo. 14:21. lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14ikaw#Job 41:1; Awit 104:26; Isa. 27:1. na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,#14 LEVIATAN: Isang mala-alamat na dambuhalang halimaw sa karagatan na sumisimbolo sa kaguluhan at kasamaan.
at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.
18Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.
20Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.
22Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.
Kasalukuyang Napili:
Mga Awit 74: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society