Mga Awit 89
89
Panalangin sa Panahong Nagkakagulo ang Bansa
Isang#1 Ha. 4:31. Maskil#MASKIL: Tingnan ang Awit 32. E ni Etan, na mula sa angkan ni Ezra.
1Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
ang katapatan mo'y laging sasambitin.
2Ang iyong pag-ibig walang katapusan,
sintatag ng langit ang iyong katapatan.
3Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
4“Isa#2 Sam. 7:12-16; 1 Cro. 17:11-14; Awit 132:11; Gw. 2:30. sa lahi mo'y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)#4 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
5Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit
ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
6O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?
Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
7Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,
may banal na takot sa iyo at paggalang.
8O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?
Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
9Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,
alon mang malaki'y napapatahimik.
10Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,
lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.
11Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,
ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
12Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;
Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.
13Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,
ay walang kaparis, di matatawaran!
14Ang kaharian mo ay makatarungan,
saligang matuwid ang pinagtayuan;
wagas na pag-ibig at ang katapatan,
ang pamamahala mong ginagampanan.
15Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
16Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
17Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
dahilan sa iyong kagandahang-loob.
18Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,
ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.
Ang Pangako ng Diyos kay David
19Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,
sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:
“Aking pinutungan ang isang dakila,
na aking pinili sa gitna ng madla.
20Ang#1 Sam. 13:14; Gw. 13:22; 1 Sam. 16:12. piniling lingkod na ito'y si David,
aking binuhusan ng banal na langis.
21Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
ang mga masama'y di magtatagumpay.
23Aking dudurugin sa kanyang harapan,
silang namumuhi na mga kaaway.
24Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
25Mga kaharia'y kanyang masasakop,
dagat na malawak at malaking ilog.
26Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
tagapagsanggalang niya't manunubos.
27Gagawin#Pah. 1:5. ko siyang panganay at hari,
pinakamataas sa lahat ng hari!
28Ang aking pangako sa kanya'y iiral
at mananatili sa aming kasunduan.
29Laging maghahari ang isa niyang angkan,
sintatag ng langit yaong kaharian.
30“Kung ang mga anak niya ay susuway,
at ang aking utos ay di igagalang,
31kung ang aking aral ay di papakinggan
at ang kautusa'y hindi iingatan,
32kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila,
sila'y hahampasin sa ginawang sala.
33Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David,
ay di magbabago, hindi mapapatid.
34Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,
ni isang pangako'y di ko babawiin.
35“Sa aking kabanalan, ipinangako ko,
kay David ay hindi magsisinungaling.
36Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,
hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;
37katulad ng buwan na hindi lilipas,
matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)#37 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
Hinagpis sa Pagkatalo ng Hari
38Subalit ngayon, siyang iyong hirang,
ay itinakwil mo at kinagalitan;
39binawi mo pati yaong iyong tipan,
ang kanyang korona ay iyong dinumhan.
40Ang tanggulan niya ay iyong winasak,
mga muog niya'y iyong ibinagsak.
41Lahat ng magdaa'y nagsasamantala,
ang ari-arian niya'y kinukuha;
bansa sa paligid, pawang nagtatawa.
42Iyong itinaas ang kanyang kaaway,
tuwang-tuwa sila't pinapagtagumpay.
43Ang sandata niya'y nawalan ng saysay,
binigo mo siya sa kanyang paglaban.
44Yaong kanyang trono at ang setrong hawak,
inalis sa kanya't iyong ibinagsak.
45Sa iyong ginawa'y nagmukhang matanda,
sa kanyang sinapit siya'y napahiya. (Selah)#45 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
46Hanggang kailan pa ba, mukha'y itatago?
Wala na bang wakas, tindi ng galit mo?
47Alam mo, O Yahweh, ang buhay ng tao ay maikli lamang sa balat ng mundo;
papanaw na lahat silang nilikha mo.
48Sino ba'ng may buhay na hindi papanaw?
Paano iiwas sa kanyang libingan tayong mga taong ngayo'y nabubuhay? (Selah)#48 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
49Nasaan ang alab ng dating pag-ibig at tapat na sumpang ginawa kay David?
Nasaan, O Diyos? Iyong ipabatid.
50Iyong nalalaman ang mga pasakit ng abâ mong lingkod, na pawang tiniis;
ang mga pagkutya na kanyang sinapit sa kamay ng taong pawang malulupit.
51Ganito tinuya ng iyong kaaway
ang piniling haring saan ma'y inuyam.
52Si Yahweh ay ating purihin magpakailanman!
Amen! Amen!
Kasalukuyang Napili:
Mga Awit 89: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society