Ang Awit ni Solomon 3
3
1Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko'y hinahanap,
ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap.
2Akong ito'y bumabangon, sa lunsod ay naglalakad,
ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad;
ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag.
3Sa akin ngang paglalakad, nakita ko'y mga bantay,
nagmamanman, naglilibot, sa paligid, sa lansangan.
Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?”
4Nang aking iwan ang nasabing mga tanod,
bigla na lang nakita ang mahal kong iniirog.
Siya'y aking hinawakan at hindi na binitiwan,
hanggang siya'y madala ko sa bahay kong sinilangan.
5Ipangako ninyo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem
sa ngalan ng mga usa at hayop na matutulin,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.
Ang Ikatlong Awit
Babae:
6Ano itong nakikitang nagmumula sa kaparangan?
Wari'y pumapailanlang usok ng mira at kamanyang,
na ang samyo ay katulad ng pabangong ubod mahal.
7Dumarating si Solomon, sa trono niya'y nakaupo,
ang kasamang mga bantay ay mayroong animnapu,
pangunahing mga kawal, matatapang, matipuno.
8Bawat isa ay may tabak at bihasa sa digmaan,
nagbabantay kahit gabi, nakahanda sa paglaban.
9Ang magandang trono nitong haring si Solomon,
pawang yari sa piling kahoy ng Lebanon.
10Ang lahat ng tukod nito'y nababalutan ng pilak,
ang habong naman nito'y may palamuting gintong payak,
iyon namang mga kutson, kulay ube ang nakabalot;
mga dalaga sa Jerusalem ang humabi at naggayak.
11Mga dilag nitong Zion, masdan ninyo si Haring Solomon,
nagputong ng korona niya ay ang kanyang inang mahal
sa oras ng pagdiriwang, sa oras ng kanyang kasal.
Kasalukuyang Napili:
Ang Awit ni Solomon 3: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society