Abide | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng TaonHalimbawa
Ang Salita ng Diyos ay Tulad ng Apoy
Basahin ang Jeremias 20:9
Kung minsan, naiisip kong huwag na lang akong magsalita ng tungkol sa inyo o sabihin ang ipinapasabi ninyo. Pero hindi ko po mapigilan, dahil ang mga salita nʼyo ay parang apoy na nagniningas sa puso at mga buto ko. Pagod na ako sa kapipigil dito.
Karagdagang Babasahin: Lucas 24:13–22
Si Jeremias ay tinawag ng Diyos upang ipangaral ang mensahe ng paghuhukom sa Israel at ang pangako ng pagtubos sa kanila kung babalik sila sa Kanya. Nang ipahayag niya ang mensahe, tinalikuran, ipinakulong, at pinagmalupitan pa si Jeremias ng mga tao. Nabigo siya, napagod, at pinanghinaan ng loob.
May panahon ba na habang ginagawa mo ang kagustuhan ng Diyos, tila mas lumalala pa ang sitwasyon? Ano ang mga naisip mo noong panahong ito? Para kay Jeremias, ito ang naisip niya, “. . . huwag na lang akong magsalita ng tungkol sa inyo o sabihin ang ipinapasabi ninyo.” Gusto na niyang tumigil sa pagiging tinig ng Diyos sa mga tao. Ngunit may iba pang kumikilos sa puso niya—ang salita ng Diyos! Sabi niya, Pero hindi ko po mapigilan, dahil ang mga salita nʼyo ay parang apoy na nagniningas sa puso at mga buto ko. Pagod na ako sa kapipigil dito.
May pagkakataon bang pinagkatiwalaan ka ng isang taong mahal mo upang itago ang isang lihim o sikreto (halimbawa: isang engrandeng regalo para sa isang kaarawan o kaya ay isang proposal o alok ng pagpapakasal)? Naaalala mo ba kung gaano ito kahirap itago hanggang sa itinakdang oras kung kailan maaari na itong ipaalam sa iba at kung gaano kaganda ang naging pakiramdam mo noong sa wakas ay maaari mo na itong sabihin sa kanila? Ang tawag dito ng mga sikologo ay “capitalization.” Ito ang pagbabahagi ng magandang pangyayaring naranasan mo. Natuklasan nila na may maganda itong epekto sa taong nagbabahagi ng lihim at sa mga taong tumatanggap nito.
Mas dakila ang salita ng Diyos kumpara sa anumang regalong pangkaarawan o alok ng pagpapakasal dahil babaguhin nito ang buhay natin magpakailanman. Ito ang dahilan kung bakit kahit na nais manahimik ni Jeremias dahil nahihirapan siya sa emosyong nararamdaman niya, dama pa rin niya sa kaibuturan ng kanyang puso ang apoy ng salita ng Diyos, na nagnanais o naghihintay na makakawala.
Tulad ng apoy, pinupukaw ng Bibliya ang damdamin natin, na nagpapasiklab ng apoy na mahirap pigilin sa ating mga puso. Ang pagpapanatili nito sa ating sarili lamang ay mahirap gawin dahil alam nating ang mensaheng ito ang makapagbabago ng buhay ng mga makakarinig nito. Hindi natin mapipigilang buksan ang ating mga bibig at ipangaral ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos. Sa katunayan, ang dalawang disipulo ni Jesus na nasa daan papuntang Emmaus ay nagpatotoo tungkol sa pakikipag-usap nila sa muling nabuhay na si Cristo sa Lucas 24:32, “Kaya pala ang ganda ng pakiramdam natin habang kinakausap niya tayo sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang Kasulatan.”
Kapag hinipo na ng salita ng Diyos ang ating puso, TAYO AY MAG-AAPOY SA SIGLA, KALINISAN, AT PAG-IBIG PARA SA KANYA AT SA LAYUNIN NG KANYANG KAHARIAN.
1. Paano ka binago ng Diyos? Sa dalawa o tatlong pangungusap, isulat ang iyong patotoo sa patlang sa ibaba. Hingin sa Diyos ang mga pagkakataon at ang katapangan upang maibahagi mo ito sa iba.
2. Balikan ang isang pagkakataon kung saan nagdalawang-isip kang ipangaral ang ebanghelyo ngunit ginawa mo pa rin. Ano ang kinalabasan nito?
3. Anong talata sa Kasulatan ang nagkaroon ng malaking epekto sa iyo kamakailan lang? Bakit? Ibahagi ito sa isang kamag-anak o kaibigan mo ngayong linggo.
Kung minsan, naiisip kong huwag na lang akong magsalita ng tungkol sa inyo o sabihin ang ipinapasabi ninyo. Pero hindi ko po mapigilan, dahil ang mga salita nʼyo ay parang apoy na nagniningas sa puso at mga buto ko. Pagod na ako sa kapipigil dito. JEREMIAS 20:9
Ama sa langit, salamat po dahil sa tuwing dumaraan ako sa mga pagsubok sa buhay, pinalalalim ng Inyong salita ang ugnayan ko sa Inyo. Alisin po Ninyo sa akin ang kawalan ng pagmamalasakit, kaduwagan, at kawalan ng pagkukusa. Pag-alabin po Ninyo sa puso ko ang pagmamahal para sa Inyong salita upang ang apoy na ito ay dumapo sa mga taong nasa paligid ko. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula at kalagitnaan ng bawat taon, maglaan tayo ng panahon para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, magtalaga ng ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ipinapakita ng Kanyang kamangha-manghang kadakilaan hindi lamang kung gaano Siya kalaki, kundi maging ang kakayahan Niyang magpakumbaba, at magpakababa nang mas mababa pa sa antas natin, upang tayo ay iligtas at paglingkuran.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://church.victory.org.ph/