THE CROSS | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na SangkatauhanHalimbawa
Ang ugnayang ipinagkaloob ni Cristo sa Kanyang ina ay nagpapakita ng bagong komunidad na nilikha ng krus.
Nakatayo malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Clopas, at si Maria na taga-Magdala. Nang makita ni Jesus ang kanyang ina na nakatayo roon katabi ng minamahal niyang tagasunod, sinabi niya, “Babae, ituring mo siyang anak.” At sinabi naman niya sa tagasunod niya, “Ituring mo siyang ina.” Mula noon, tumira na ang ina ni Jesus sa tahanan ng tagasunod na ito.
Juan 19:25–27
Mga Karagdagang Babasahin:
Juan 1:11–13; 13:34–35; Mga Taga-Efeso 2:14–16; Mga Taga-Colosas 3:11–15
Pamilya. Lahat tayo ay mayroon nito.
Si Jesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay nagkaroon din ng isang pamilya dito sa lupa na tinawag Niyang Kanya. Kaunti lang ang mga detalyeng ibinigay ng Banal na Kasulatan tungkol sa Kanyang kabataan, ngunit alam natin na Siya ay ganap na tao at naranasan Niya ang mga bagay na nararanasan ng mga batang Judio noong unang siglo. Tulad ng ibang batang lalaki na nakikisalamuha sa kanyang mga kaibigan, maaari nating isipin na si Jesus ay nag-uukit din ng kahoy, nakikipagbuno, at nag-eeksplora. Alam Niya ang kahalagahan ng lingguhang hapunan tuwing Araw ng Pamamahinga o Sabbath, ang mga tradisyon ng taunang pista, at ang pakiramdam ng pagiging bahagi ng lahing Judio.
Pamilya. Bigay ito ng Diyos.
Si Jesus ay lumaki at naging ganap na lalaki. Bilang pagsunod sa Ama, Siya ay ipinako sa krus. Si Maria at Juan ay nakatayo sa paanan Niya. Tumatakbo ang oras. Papalapit na ang Kanyang kamatayan, nagbanggit si Jesus ng dalawang nakakagulat na mga pahayag. Sa nalalapit na pagbalot ng katahimikan, sa sandaling iyon, marahil sina Maria at Juan ay nagsikap na marinig Siya sa gitna ng ingay. Ano ang sinabi Niya? Sa Kanyang mga huling salita sa Kanyang ina at sa Kanyang minamahal na disipulo bago Siya pumanaw, pinalawak Niya ang kahulugan ng pamilya upang isama ang espirituwal na pamilya—para sa mga tumatawag sa Kanya bilang Panginoon.
Kakaiba ito! Nang hindi binabawasan ang halaga ng ating mga pisikal na pamilya, ibinigay Niya sa atin ang kailangan natin para mamuhay sa isang nasirang mundo bilang mga tagasunod Niya. Sila ang mga di-perpektong kalalakihan at kababaihan na magsasabi ng katotohanan sa atin, maninindigan kasama natin sa pananampalataya, magbibigay ng lakas ng loob sa atin, at iiyak kasama natin. Isang komunidad na kasama natin sa pagdanas ng Kanyang pagmamahal at pagtatatag ng Kanyang kaharian, gamit ang biyaya at mga kaloob na ibinigay ng Ama sa atin.
Sama-sama. Esprituwal na Pamilya. Bigay ng Diyos.
Isinalarawan ng manunulat na si John Fawcett ang kalakasan ng komunidad na sama-sama nating nararanasan sa kanyang himno na “Blest Be the Tie That Binds.” Narito ang pagsasalin ng himno sa Filipino:
Pinagpala ang mga Ugnayang Nagbubuklod
Magkakasama sa pagdadalamhati
Sa pagbuhat ng ating mga pasanin
Sa tuwina, sa bawat isa’y dumadaloy
Ang nakikiramay na panaghoy
Awit para sa Araw na Ito
This Is Your Church
EVERY NATION ROSEBANK WORSHIP
P A G - I S I P A N
Pinalawak ni Jesus ang konsepto ng pamilya upang isama ang mga espirituwal nating ugnayan nang hindi nababawasan ang halaga ng mga likas nating ugnayan sa pamilya. Sa anong mga paraan ka nahihirapan o nabibigyang-kasiyahan sa pagbabalanse ng mga tungkulin mo sa iyong pisikal at espirituwal na pamilya? Paano mo pagbubutihin ang pag-aalaga sa mga pamilyang ito?
G A W I N
Maghanap sa espirituwal na pamilya mo ng nangangailangan ng suporta. Maglaan ng oras para sa kanya, mag-alok ng tulong, at manalangin kasama niya at para sa kanya.
Ama sa langit,
Maraming salamat sa ipinagkaloob Ninyong pamilya. Kami ay lubos na nagpapasalamat sa pisikal na pamilyang ibinigay Ninyo sa amin, sa pagmamahal at suporta na ibinibigay nila. Nagpapasalamat din kami sa espirituwal na pamilya at komunidad ng mga mananampalataya na inilagay Ninyo sa buhay namin. Tulungan po Ninyo kami na pahalagahan at alagaan ang mga ugnayang ito, na kinikilala namin bilang kaloob Ninyo sa amin upang kami ay patuloy na mamuhay nang tapat dito sa mundo.
Ipinakita sa amin ni Jesus ang kahalagahan ng pag-aalaga sa bawat isa, hanggang sa Kanyang mga huling sandali dito sa lupa. Turuan po Ninyo kaming palawakin ang aming pagmamahal at pag-aalaga, hindi lamang sa mga taong pinakamalapit sa amin, kundi pati na rin sa lahat ng bahagi ng aming espirituwal na pamilya. Sana ay maging mabilis kami sa pagbibigay ng suporta at kalakasan ng loob, at patuloy kaming manindigan nang sama-sama, na ayon sa kagustuhan Ninyo.
Sa ngalan ni Jesus, Amen.
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, nagtitipon-tipon tayo upang manalangin at mag-ayuno para marinig ang Diyos at sundin ang sinasabi Niya. Bilang mga mananampalataya ni Cristo, nawa’y maging sentro ng ating mga salita at gawa ang Kanyang tinapos na gawain sa krus.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://church.victory.org.ph/