Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

The Cross | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na SangkatauhanHalimbawa

The Cross | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na Sangkatauhan

ARAW 1 NG 5

Ang pinakamakapangyarihang Hari ng lahat ng nilikha ang Siya ring mapagkumbabang Tagapagligtas na tumatawag sa atin patungo sa Kanya nagbibigay ng kapayapaan, layunin, at walang hanggang pag-asa.

Si Cristo ang larawan ng di-nakikitang Dios, at siya ang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. Sapagkat sa pamamagitan niya, at para sa kanya, nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa mundo, ang nakikita pati rin ang di-nakikita, katulad ng mga espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. Bago pa man likhain ang anumang bagay, naroon na si Cristo, at sa pamamagitan niya ang lahat ay nananatiling nasa kaayusan. Si Cristo ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pinagmulan nito, ang unang nabuhay sa mga patay, para maging pinakadakila siya sa lahat. Sapagkat minabuti ng Dios na ang pagka-Dios niya ay manahan nang lubos kay Cristo, at sa pamamagitan ni Cristo, ipagkakasundo sa kanya ang lahat ng nilikha sa langit at sa mundo. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng dugo ni Cristo sa krus.
Colosas 1:15–20

P A G - I S I P A N

Ano ang gagawin mo kung biglang kumatok sa inyong pinto ang isang kilala at makapangyarihang hari, suot ang kanyang magarang damit at korona? Papapasukin mo ba siya at ibibigay sa kanya ang buong atensyon mo? Paano kung dumating ang haring ito, ngunit nakabihis na parang isang mapagkumbabang utusan sa halip na isang makapangyarihang pinuno? Makikilala mo ba siya at papapasukin?

Inihayag ni Pablo na ang haring dumating para makasama natin ay hindi isang pangkaraniwang hari. Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos, at ipinapakita Niya sa sangkatauhan ang kabuuan ng likas na katangian ng Diyos. Siya ang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha, hindi bilang isang nilikha, kundi bilang pinakamakapangyarihan sa lahat. Sa pamamagitan Niya, nabuo o umiral ang lahat ng bagay—sa langit man o sa lupa, nakikita o hindi nakikita. Sa pamamagitan niya ang lahat ay nananatiling nasa kaayusan. Siya ang naghahari sa lahat ng diyos, pilosopiya, at mga pinuno. Ang Kanyang kaluwalhatian ay walang kapantay, ang Kanyang kapangyarihan ay walang hangganan, at ang Kanyang paghahari ay buong-buo. Ang Kanyang pangalan ay Jesus, at Siya ang pinakamakapangyarihang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon sa buong nilikha, sa lahat ng pisikal at espirituwal na mga bagay.

Ibinigay ni Pablo ang isang kamangha-manghang larawan ng kadakilaan at paghahari ni Jesu-Cristo, hindi para malula tayo sa Kanyang kapangyarihan, kundi upang akayin tayo tungo sa pagkakaroon ng mas malalim na pagkaunawa sa lawak ng Kanyang pagmamahal sa atin. Ipinaliwanag niya na ang dakilang Diyos—ang Lumikha at nagpapanatili ng buong sanlibutan—ay nagpakumbaba at namuhay kasama ng mga tao. Bumaba Siya sa mundo na Kanyang nilikha, nagkatawang-tao, at pinagtiisan ang isang napakasakit na uri ng kamatayan para pagbayaran ang mga kasalanan ng mismong mga taong tumanggi sa Kanya. Ang Kanyang sakripisyo sa krus ang pinakaganap na pagpapakita ng Kanyang pagmamahal at biyaya. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay upang maibalik tayo sa Kanya at maitama ang nawasak na relasyon natin sa Kanya na bunga ng ating mga kasalanan. Ang pinakamakapangyarihang Hari ng lahat ng nilikha ang Siya ring mapagkumbabang Tagapagligtas na tumatawag sa atin patungo sa Kanya, nagbibigay ng kapayapaan, layunin, at walang hanggang pag-asa.

Para sa ganitong kamangha-manghang pagmamahal, pagsamba ang tanging nararapat na tugon. Wala nang iba pang mas nararapat para sa Kanya kundi ang ating buong pusong pagsuko. Ibig sabihin nito ay maliban sa Kanya, dapat nating talikuran ang anumang bagay na inaasahan natin para makahanap ng seguridad at pag-asa. Si Jesus ay sapat na. Ang buong debosyon, tiwala, at katapatan natin ay tanging nasa Kanya lamang.

Siya man ay nakabihis bilang isang makapangyarihang Hari o bilang isang mapagpakumbabang tagapaglingkod, hawak ni Jesus ang lahat ng kapangyarihan at awtoridad. Kapag hinayaan natin Siyang pumasok at maghari sa atin, mararanasan natin ang kapangyarihan Niya na nagdadala ng pagbabago sa ating mga buhay.

T U M U G O N

  • Si Jesus ang nag-iisa at pinakamakapangyarihang Panginoon ng lahat ng nilikha, ngunit madalas ay nakatuon tayo sa ibang mga bagay. Nasaan ang iyong debosyon? Paano ka lumalapit kay Jesus para sa iyong layunin, pagasa, o seguridad? Ano ang kailangan mong isuko para maibigay ang iyong buong katapatan sa Kanya?
  • Si Jesus ay nararapat tumanggap ng ating pagsamba at papuri. Paano mo ipinapakita ang iyong pagsamba sa Kanya sa araw-araw mong pamumuhay? Bilang tugon sa Kanyang pagmamahal, paano ka magiging mas masigasig sa pagsamba sa Kanya araw-araw?
  • Sa mga panahon ng kahirapan, nakatutok ka ba sa iyong kalagayan o kay Jesus, na nagtiis sa krus para sa iyong kapakanan? Paano mapapalakas ng Kanyang sakripisyo ang iyong determinasyon na magpatuloy, lalo na kapag nararamdaman mong gusto mo nang sumuko?

Panginoong Jesus,

Ikaw ang larawan ng Diyos, ang Hari ng lahat, ngunit Ikaw po ay nagpakumbaba upang mamuhay kasama namin at mamatay para sa amin. Patawarin Mo po ako sa pagbibigay ko ng tiwala sa mga pamamaraan ng mundo at sa pag-asa ko sa mga bagay o tao maliban po sa Iyo. Isinusuko ko ang mga bagay na ito at ibinibigay ko po sa Iyo ang aking buong katapatan. Tulungan Mo po akong maalala kung sino Ka, anuman ang kalagayan ko, at ipakita Mo po sa akin kung ano ang kailangan kong ilapag sa Iyong harapan, upang patuloy na sumunod sa Iyo. Sa mga panahon ng kahirapan, tulungan Mo po akong magtiwala sa Iyo, at humugot ng lakas mula po sa Iyong sakripisyo. Nawa’y makita sa buhay ko ang Iyo pong kadakilaan, pagmamahal, at biyaya habang ako’y sumasamba sa Iyo at nagpapasakop sa Iyong kalooban.

Amen.

Banal na Kasulatan

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

The Cross | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na Sangkatauhan

Sa simula at kalagitnaan ng bawat taon, nagsasama-sama tayo para manalangin at mag-ayuno upang mas makilala ang Diyos. Tinawag Niya tayo upang ibukod ang ating sarili para sa Kanya. Kabilang dito ang lahat ng ginagawa natin, at nakikita ito sa pagbibigay-karangalan sa Kanya at pagdidisipulo sa paaralan, komunidad, at lahat ng bansa. Sama-sama nating pag-isipan ang ginawa ni Cristo sa krus at alamin kung paano natin maisasabuhay ang ebanghelyo araw-araw.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: church.victory.org.ph

Mga Kaugnay na Gabay