Isang Salita na Magbabago sa Iyong BuhayHalimbawa
Ang Kapangyarihan ng Isang Salita
Itakda
Ang New Year’s Resolutions ay walang bisa!
Ang 50% ng mga gumagawa ng resolusyon ay nabibigo pagsapit ng katapusan ng Enero, at 9 sa bawat 10 ay tuluyang bumibitaw pagdating ng Marso! Kaya sa halip na mga resolusyon, pumili na lamang ng Isang Salita para sa taon…ngunit mag-ingat! Maaari kang mabago nito.
Kung mayroon kang mentalidad na “tapusin-agad-iyan” gaya namin, may nagawa ka na agad sa pagtatakda pa lamang ng layunin sa umpisa ng bawat Bagong Taon. Ngunit habang lumilipas ang panahon, nakakaramdam kami ng pagkabigo at pakiramdam namin ay kulang pa ang aming mga ginagawa para maisakatuparan ang aming mga plano. Sinubukan naming gumawa ng labis, ngunit ang kinalabasan naman ay wala kaming mahusay na nagawa.
Noong 1999, sinimulan namin ang isang payak na disiplina kung saan bubuo kami ng tema para sa Isang Salita para sa parating na taon. Tama iyon—Isang Salita. Hindi isang parirala o pangungusap, kundi isang salita. Sa pagtutok sa Isang Salita lamang, naranasan namin ang di kapani-paniwalang pagbabago sa aming buhay taon-taon. Sa oras na matuklasan mo ang iyong Isang Salita para sa taon, makapagdudulot ito ng mas maigting na kalinawan, sigasig, at layunin sa buhay.
Ang pagsasanay sa Isang Salita ay nagdudulot ng kapayakan at kakayanang ituon ang buong pag-iisip sa iisang bagay. Tumatagos ito sa mga kaguluhan ng isip at pinapanatili tayong nakatuon lamang sa mga bagay na tunay na mahalaga. Kami ay nabatak nito sa iba’t ibang paraan: sa espiritwal, sa pisikal, sa pag-iisip, sa damdamin, sa aming pakikipag-ugnayan, at maging sa pinansyal na aspeto. Binago kami ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasanay na ito; nalulugod ang Diyos sa nababagong buhay.
May dahilan kung bakit sinasabi naming, “Pumili ka ng Isang Salita para sa taon…ngunit mag-ingat ka.” Sa sandaling matuklasan mo ang iyong salita, magsisimula na ang labanan. Uumpisahan nito ang proseso ng pagtuturo, paglilinang, pagpipino, at paghuhubog. Gagamitin ng Diyos ang iyong salita bilang liwanag at salamin – iilawan nito ang iyong daan at ilalantad ang mga bagay na kailangang mabago. Makatutulong ito sa iyong paglalakbay na puno ng ligaya at lungkot upang hubugin ang iyong pagkatao ayon sa layon ng Diyos sa iyong buhay.
Sa aming karanasan ay madaling inihahayag ng Diyos ang Kanyang mga plano para sa taon gamit ang Isang Salita. Ang salitang iyon (maging ito man ay disiplina, bunga ng Banal na Espiritu, pag-uugali, o katangian ng Diyos) ay tatatak sa iyo sa buong taon! Kung kaya’t tuklasin mo na ang iyong Isang Salita para sa taon at ibahagi ito sa iba! Maaari nitong baguhin ang iyong buhay!
Simulan na
1. Ano ang sinasabi sa iyo ng Diyos nitong nakaraang taon?
2. Aling bahagi ng iyong buhay ang nais panghawakan ng Diyos at gamitin para sa Kanyang kaluwalhatian?
3. Paano ka nais ng Diyos ihanda para sa paparating na bagong taon?
Workout
Mga Awit 27:1-14; Lucas 18:22; Marcos 10:21
Overtime
"Minamahal na Panginoon, hinihiling ko po na loobin Ninyo na sa taong ito ay mabago ang aking buhay. Ihayag po Ninyo sa akin ang Inyong sarili habang Inyong ipinapakita sa akin ang paksa ng aking magiging Isang Salita. Puspusin po Ninyo ako ng Inyong Banal na Espiritu. Nababatid kong ito ay isang paglalakbay na kapupulutan ng aral at hindi isang gawain na kailangang tapusin. Palakasin po Ninyo ako upang maisabuhay ko ang Isang Salita araw-araw. Sa pangalan ni Jesus, Amen.”
Nais mo bang magkaroon ng One Word Action Plan? I-download ito nang libre sa GetOneWord.com
day_1
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang ISANG SALITA ay tumutulong na maging payak ang iyong buhay sa pamamagitan ng pagtutok sa ISANG SALITA sa loob ng isang taon. Ang kapayakan ng pagtuklas sa salitang inilaan ng Diyos para sa iyo ay nakapagbibigay-daan sa pagbabagong-buhay. Ang kawalang-ayos at kaguluhan ay nagdudulot ng pagpapaliban sa mga gawain at pagkaparalisa, samantalang ang pagiging payak at pagkakaroon ng pokus ay daan patungo sa tagumpay at kaliwanagan. Ipinapakita sa 4-araw na debosyonal na ito kung paano mo maisasabuhay ang isang salitang mithiin mo para sa buong taon.
More
Nais naming pasalamatan sina Jon Gordon, Dan Britton, at Jimmy Page sa pagbabahagi ng babasahing ito. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang: www.getoneword.com