Genesis 29

29
Nakarating si Jacob sa Bahay ni Laban
1Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay niya hanggang sa nakarating siya sa lupain ng mga taga-silangan. 2May nakita siya roon na isang balon at sa tabi nito ay may tatlong pulutong ng tupa na nagpapahinga, dahil doon kumukuha ang mga tao ng tubig na ipinapainom sa mga tupa. Ang balon na ito ay tinatakpan ng malaking bato. 3Iniipon muna ng mga pastol ang lahat ng tupa bago nila pagulungin ang batong nakatakip sa balon. Pagkatapos nilang painumin ang mga tupa, muli nilang tinatakpan ang balon.
4Ngayon, nagtanong si Jacob sa mga pastol ng tupa, “Mga kaibigan, taga-saan kayo?”
Sumagot sila, “Taga-Haran.”
5Muling nagtanong si Jacob, “Kilala ba ninyo si Laban na apo ni Nahor?”
Sumagot sila, “Oo, kilala namin.”
6Nagpatuloy sa pagtatanong si Jacob, “Kumusta na ba siya?”
Sumagot sila, “Mabuti naman. Tingnan mo, paparating ang anak niyang si Raquel dito kasama ang kanilang mga tupa.”
7Sinabi ni Jacob sa kanila, “Napakaaga pa at hindi pa oras para ipunin ang mga tupa, mabuti sigurong painumin ninyo sila at muling ipastol.”
8Sumagot sila, “Hindi namin iyan magagawa kung hindi muna maiipon ang lahat ng tupa. Kung nandito na ang lahat, doon pa lamang namin pagugulungin ang takip na bato para silaʼy painumin.”
9Nagsasalita pa si Jacob sa kanila nang dumating si Raquel na dala ang mga tupa ng kanyang ama, dahil siya ang nagbabantay sa mga ito. 10Pagkakita ni Jacob kay Raquel na anak ng tiyuhin niyang si Laban, na kasama ang mga tupa, pumunta siya sa balon at pinagulong ang bato at pinainom ang mga tupa ng tiyuhin niyang si Laban. 11Pagkatapos, hinagkan niya si Raquel at napaiyak siya sa tuwa. 12Sinabi niya kay Raquel, “Anak ako ni Rebeka, kaya pamangkin ako ng iyong ama.” Patakbong umuwi si Raquel at sinabi sa kanyang ama.
13Nang marinig ni Laban na nariyan si Jacob na pamangkin niya kay Rebeka, agad niya itong sinalubong. Hinagkan niya si Jacob at dinala sa bahay niya. At doon sinabi ni Jacob kay Laban ang lahat ng nangyari. 14Sinabi ni Laban sa kanya, “Tunay na magkadugo tayo.”
Naglingkod si Jacob kay Laban dahil kina Raquel at Lea
Pagkalipas ng isang buwan na pananatili ni Jacob kina Laban, 15sinabi ni Laban sa kanya, “Hindi mabuti na magtrabaho ka para sa akin na walang bayad dahil pamangkin kita. Sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong ibayad ko sa iyo.”
16May dalawang anak na dalaga si Laban. Si Lea ang panganay at si Raquel ang nakababatang kapatid. 17Mapupungay#29:17 Mapupungay: o, Magaganda. ang mata ni Lea, pero mas maganda ang hubog ng katawan ni Raquel. 18Dahil may gusto si Jacob kay Raquel, sinabi niya kay Laban, “Maglilingkod po ako sa inyo ng pitong taon kung ibibigay nʼyo sa akin ang kamay ni Raquel.”
19Sumagot si Laban, “Mas mabuti pang ikaw ang mapangasawa niya kaysa sa ibang lalaki. Manatili ka na lang dito.” 20Kaya naglingkod si Jacob kay Laban ng pitong taon para mapangasawa niya si Raquel. Dahil sa pagmamahal niya kay Raquel, parang ilang araw lang sa kanya ang pitong taon.
21Pagkalipas ng pitong taon, sinabi ni Jacob kay Laban, “Natapos na ang paglilingkod ko sa inyo, kaya ibigay nʼyo na sa akin si Raquel para magsama na kami.”
22 Pumayag si Laban, kaya nagdaos siya ng handaan at inimbitahan niya ang lahat ng tao sa lugar na iyon. 23Pero kinagabihan, sa halip na si Raquel ang dalhin ni Laban kay Jacob, si Lea ang dinala niya. At sumiping si Jacob kay Lea. 24(Ibinigay ni Laban kay Lea ang alipin niyang babae na si Zilpa para maging alipin nito.)
25Kinabukasan, nalaman ni Jacob na si Lea pala ang kasiping niya. Kaya pinuntahan niya si Laban at sinabi, “Bakit ginawa mo ito sa akin? Naglingkod ako sa iyo para mapangasawa ko si Raquel. Ngayon, bakit niloko mo ako?”
26Sumagot si Laban, “Hindi kaugalian dito sa aming lugar na maunang makapag-asawa ang nakababatang kapatid kaysa sa nakatatandang kapatid. 27Hintayin mo lamang na matapos ang isang linggong pagdiriwang ng inyong kasal at ibibigay ko agad sa iyo si Raquel, iyan ay kung muli kang maglilingkod ng pitong taon pa.”
28Pumayag si Jacob sa sinabi ni Laban. Pagkatapos ng isang linggo na pagdiriwang ng kasal nila ni Lea, ibinigay ni Laban kay Jacob si Raquel. 29Ibinigay ni Laban kay Raquel ang alipin niyang babae na si Bilha para maging alipin nito. 30Kaya sumiping din si Jacob kay Raquel. Mas mahal niya si Raquel kaysa kay Lea. Naglingkod si Jacob kay Laban ng pitong taon pa.
Ang mga Anak ni Jacob
31Nakita ng Panginoon na hindi mahal ni Jacob si Lea, kaya niloob niyang magkaanak si Lea, pero si Raquel naman ay hindi. 32Nagbuntis si Lea at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Reuben,#29:32 Reuben: Maaaring ang ibig sabihin, nakita niya ang paghihirap ko. dahil sinabi niya, “Nakita ng Panginoon ang paghihirap ko, at ngayoʼy tiyak na mamahalin na ako ng aking asawa.”
33Muli siyang nagbuntis at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Muli akong binigyan ng Panginoon ng isang anak na lalaki dahil narinig niya na hindi ako minamahal ng aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Simeon.#29:33 Simeon: Maaaring ang ibig sabihin, narinig niya.
34Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, magiging malapit na sa akin ang aking asawa dahil tatlo na ang anak naming lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Levi.#29:34 Levi: Maaaring ang ibig sabihin, pinalapit.
35Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, pupurihin ko ang Panginoon.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Juda.#29:35 Juda: Maaaring ang ibig sabihin, purihin siya. Mula noon, hindi na siya nagkaanak.

Currently Selected:

Genesis 29: ASND

Qaqambisa

Share

Copy

None

Ufuna ukuba iimbalasane zakho zigcinwe kuzo zonke izixhobo zakho? Bhalisela okanye ngena