Lucas 24
24
Muling Nabuhay si Hesus
(Mat. 28:1‑10; Mar. 16:1‑8; Juan 20:1‑10)
1Pagdating ng madaling-araw ng Linggo, pumunta ang mga babae sa libingan dala ang mga pabangong inihanda nila. 2Pagdating nila roon, nakita nilang naalis na ang batong nakatakip sa pintuan ng libingan. 3Kaya pumasok sila sa loob, ngunit hindi nila nakita ang bangkay ng Panginoong Hesus. 4Habang naguguluhan sila sa pangyayari, bigla silang nakakita ng dalawang lalaking nakakasilaw ang damit, at nakatayo sa tabi nila. 5At dahil sa takot, nagpatirapa sila sa lupa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy dito sa mga patay? 6Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli! Hindi ba sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, 7na ang Anak ng Tao ay kailangang ipasakamay sa mga makasalanan at ipako sa krus, pero mabubuhay siyang muli sa ikatlong araw?” 8At naalala ng mga babae ang mga sinabi ni Hesus.
9Kaya umuwi sila at ibinalita ang lahat ng ito sa labing-isang alagad at sa iba pa nilang kasamahan. 10Ang mga babaeng ito ay sina Maria na taga-Magdala, Juana, Maria na ina ni Santiago, at ang iba pang mga babaeng kasama nila. Sinabi nila sa mga apostol ang nakita nila, 11ngunit hindi naniwala ang mga apostol dahil akala nila ay gawa-gawa lang iyon ng mga babae. 12Ganoon pa man, tumakbo si Pedro at pumunta sa libingan. Pagdating niya roon, sumilip siya sa loob pero wala siyang nakita kundi ang telang lino na ipinambalot sa bangkay. Kaya umuwi siyang nagtataka sa pangyayari.
Ang Nangyari sa Daan na Patungong Emaus
(Mar. 16:12‑13)
13Nang araw ding iyon, may dalawang alagad si Hesus na naglalakad papuntang Emaus, isang nayon na may 11 kilometro ang layo mula sa Jerusalem. 14Pinag-uusapan ng dalawa ang mga pangyayaring naganap kamakailan lang. 15Habang nag-uusap sila at nagtatalo tungkol sa mga bagay na iyon, lumapit sa kanila si Hesus at nakisabay sa paglalakad. 16Hindi nila siya nakilala dahil itinago ito sa kanilang paningin.
17Tinanong sila ni Hesus, “Ano ang pinag-uusapan ninyo habang naglalakad kayo?”
Tumigil sandali ang dalawa na malungkot ang mga mukha. 18Sumagot ang isa na ang pangalan ay Cleopas, “Siguro, sa lahat ng dumadayo sa Jerusalem, kayo lang ang hindi nakabalita tungkol sa mga nangyari roon kamakailan.”
19Nagtanong si Hesus sa kanila, “Bakit, ano ang mga nangyari?”
At sumagot sila, “Ang nangyari kay Hesus na taga-Nazaret. Isa siyang propetang makapangyarihan sa paningin ng Diyos at ng mga tao. At pinatunayan ito ng mga gawa at aral niya. 20Inakusahan siya ng mga pinuno namin at ng mga namamahalang pari upang mahatulang mamatay. At ipinako siya sa krus. 21Umasa pa naman kami na siya ang magpapalaya sa Israel. Ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang patayin siya. 22-23Ngunit nagulat kami sa ibinalita sa amin ng ilang babaeng kasamahan namin na maagang pumunta kanina sa libingan. Hindi nila nakita ang bangkay ni Hesus, pero nakakita raw sila ng mga anghel na nagsabing buháy si Hesus. 24Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama naming lalaki at nakita nila na wala nga roon ang bangkay, gaya ng sinabi ng mga babae.”
25Sinabi sa kanila ni Hesus, “Mga mangmang kayo! Napakahirap ninyong maniwala sa lahat ng sinabi ng mga propeta! 26Hindi baʼt ang Mesias ay kailangang magtiis ng lahat ng ito bago siya parangalan ng Diyos?” 27At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan tungkol sa kanya, mula sa mga isinulat ni Moises hanggang sa mga isinulat ng mga propeta.
28Nang malapit na sila sa Emaus na pupuntahan nila, nagkunwari si Hesus na magpapatuloy sa kanyang paglalakbay. 29Ngunit pinigil nila siya, at sinabi, “Dito na muna po kayo tumuloy sa amin, dahil palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya sumáma siya sa kanila.
30Nang kakain na sila, kinuha ni Hesus ang tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ito at ibinigay sa kanila. 31Noon din ay nabuksan ang kanilang mga paningin at nakilala nila si Hesus. Ngunit bigla siyang nawala sa kanilang paningin. 32Sinabi nila, “Kaya pala ang ganda ng pakiramdam natin habang kinakausap niya tayo sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang Kasulatan.”
33Noon din ay bumalik sila sa Jerusalem. Nadatnan nilang nagtitipon ang labing-isang alagad at ang iba pa nilang kasamahan. 34Pinag-uusapan nilang, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Pedro.” 35Ikinuwento naman ng dalawang galing Emaus ang nangyari sa kanila sa daan, at kung paano nila nakilala si Hesus nang paghahati-hatiin niya ang tinapay.
Nagpakita si Hesus sa mga Alagad Niya
(Mat. 28:16‑20; Mar. 16:14‑18; Juan 20:19‑23; Gawa 1:6‑8)
36Habang pinag-uusapan nila ito, nagpakita si Hesus at tumayo sa kalagitnaan nila, at binati sila, “Sumainyo ang kapayapaan!”
37Ngunit nagulat sila at natakot dahil akala nila ay multo ang nakita nila. 38Kaya sinabi ni Hesus sa kanila, “Bakit kayo natatakot? At bakit kayo nag-aalinlangan? 39Ako talaga ito. Tingnan ninyo ang mga kamay at paa ko. Hawakan ninyo akoʼt pagmasdan. Hindi ako multo, dahil ang multo ay walang laman at buto ngunit ako ay mayroon.”
40Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa. 41Sa kagalakan nila at pagkamangha, halos hindi pa rin sila makapaniwala. Kaya tinanong sila ni Hesus, “Mayroon ba kayong pagkain diyan?” 42Binigyan nila si Hesus ng isang hiwa ng inihaw na isda. 43Kinuha niya iyon at kinain sa harap nila.
44Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo noong magkasama pa tayo na kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga isinulat ng mga propeta at sa mga Salmo.”
45At binuksan ni Hesus ang isip nila upang maunawaan nila ang Kasulatan. 46Sinabi niya sa kanila, “Ayon sa Kasulatan, kailangang magtiis ng hirap at mamatay ang Mesias ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47At dapat ipangaral sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem, na sa pamamagitan ng pangalan niya ay patatawarin ng Diyos ang nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 48Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49Isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng Ama, kaya manatili muna kayo rito sa Jerusalem hanggang sa dumating sa inyo ang kapangyarihan mula sa langit.”
Ang Pag-akyat ni Hesus sa Langit
(Mar. 16:19‑20; Gawa 1:9‑11)
50Pagkatapos, isinama sila ni Hesus sa Betania. Pagdating doon, itinaas niya ang mga kamay niya at pinagpala sila. 51At habang pinagpapala niya sila, iniwan niya sila at iniakyat siya sa langit. 52Siya ay sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na punong-puno ng kagalakan. 53At palagi silang nasa Templo na nagpupuri sa Diyos.
Atualmente selecionado:
Lucas 24: ASD
Destaque
Partilhar
Copiar

Quer salvar os seus destaques em todos os seus dispositivos? Faça o seu registo ou inicie sessão
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.